Part 3
TUGIS
EDISON REYES
Anim ang kapatid na babae ni Cristina na karamihan ay may sarili na nilang pamilya habang ang kaisa-isa nilang kapatid na lalaki na si Nilo, na may sarili na ring pamilya, ay naninirahan na sa San Jose, California sa Estados Unidos.
Hindi naman nagkamali si Cristina sa landas na tinahak ng kanyang buhay dahil nararamdaman niya ang isinusukli ring labis na pagmamahal sa kanya ng mga kapatid.
Ito rin ang dahilan kaya’t umani siya ng paghanga at simpatiya sa mga taong nakapaligid sa kanya na hindi lamang niya itinuturing bilang mga kaibigan kundi bilang isa ring miyembro ng kanyang pamilya.
Walang pinipiling kaibigan si Cristina at kahit ano pa ang tayo ng estado sa buhay o panlabas na kaanyuan, parehas ang ipinagkakaloob niyang pagtingin kaya naman lalu pang dumami ang mga taong nagmamalasakit sa kanya.
Nakapag-aral si Cristina sa kolehiyo sa Jose Rizal University sa Mandaluyong City at sa Saint Anne’s Academy sa Mandaluyong City at bago pa man maging Grab driver, napasok siya bilang kawani ng isang malaking kompanyang Unilever.
Halos lahat ng mga desisyon sa buhay ni Cristina, pati na ang kanyang pang-araw-araw na aktibidad ay hinihingi niya lagi ng gabay sa Panginoon na madalas ay kanya pa itong ipino-post sa kanyang social media account na facebook.
Hindi rin siya nakakalimot na magpasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyaya at gabay na kanyang tinatamasa na isang malinaw na palatandaan na malaki ang kanyang takot sa Panginoon na gumawa ng anumang maling desisyon.
Gayunman, kaagad niyang tinatawagan ang nakatatandang kapatid na si Shirley Palanca Santos na siyang bumili ng minamaneho niyang sasakyan upang ipabatid na maatraso siya ng pag-uwi dahil naipit siya sa masikip na daloy ng trapiko.