PART 4
Noong Mayo 23, 2019, araw ng Huwebes, nagmamadaling umalis ng kanilang bahay si Cristina matapos may magpa-book na pasahero na magpapahatid sa Manggahan, Pasig City mula sa Mandaluyong city.
Nasanay na ang mga kapatid ni Cristina sa kanyang ugali na gampanan ng maayos ang trabaho at kahit malayo sa kanilang lugar sa Antipolo ang nagpapa-book na pasahero ay hindi niya ito kailanman tinatanggihan.
Sa pahayag ng isang malapit na kaibigan ni Cristina sa TUGIS, naikuwento aniya sa kanya ng isa sa mga kapatid ni Cristina ang kakaibang kaba ng dibdib nang huling magpaalam sa kanila ang dalaga na maghahatid ng pasahero sa Pasig City.
Dati naman aniyang panatag ang kanilang kalooban sa tuwing aalis ng bahay, dala ang kanyang kulay itim na Toyota Avanza na plakang DAE 3053 na gamit niya bilang ride-hailing service si Cristina, subalit kakaiba umano ang naramdaman ng isa niyang kapatid nang makitang nagmamadaling umalis ang dalaga.
Sa kabila nito, sinikap ng kapatid ni Cristina na ipanatag ang loob lalo na’t nananalig sila sa kakayahan ng dalaga na magampanan ng maayos ang trabaho lalo na’t karamihan naman sa mga naging suki niyang pasahero ay nagiging magiliw sa kanya.
Gayunman, nang hindi makauwi kaagad ng maaga si Cristina, nag-alala na ang kanyang mga kapatid lalu na nang hindi sumasagot ang dalaga sa kanilang mga ipinadadalang mensahe sa pamamagitan ng text.