Sigaw ng katarungan sa pinaslang na Grab driver

PART 5

Hindi na rin makontak ng kanyang mga kapatid si Cristina kahit paulit-u­lit nilang tawagan ang dalaga kaya’t ipinasya nilang kontakin maging ang mga malalapit niyang kaibigan at barkada sa pagbabaka-sakaling may alam sila sa kinaroroonan ng kapatid.

Nasanay na kasi ang mga kapatid ni Cristina na kapag hindi siya kaagad makakauwi o kung kinabukasan pa uuwi ay kaagad itong tumatawag o nagte-text kaya’t labis ang kanilang pag-aalala sa dalaga lalu na’t hindi pa siya sumasagot sa kanyang cellphone.

Batid din naman ng mga kapatid ni Cristina na hindi ipagkakait ng mga kaibigan ng dalaga sa kanila kung may impormasyon silang nalalaman sa kinaroroonan nito lalo na’t labis na ang kanilang pag-aalala subalit sa dami ng mga kinontak nilang mga kaibigan at barkada ng dalaga, wala isa man ang nakakaalam ng kanyang kalagayan.

Dahil hindi pa naman sumasapit ang 24-oras na siyang itinakda ng batas upang ideklara na nawawala ang isang indibiduwal, hindi magawang i-report ng kanyang mga kapatid sa pulisya ang pagkawala ni Cristina, at ang tanging magagawa lamang nila ay magtanong-tanong sa mga kaibigan ng dalaga sa pagbabaka-sakaling may makaalam sa kanyang pinuntahan.

Biyernes nang madaling-araw ng Mayo 24, 2019 nang makatanggap ng mensahe ang isang pamangking lalaki ni Cristina mula sa kanyang cellphone na nagpapahayag na hindi siya nakauwi dahil nalasing siya matapos makipag-inuman sa Tarlac.

Kaagad na ipinabatid ng pamangkin ni Cristina sa nakatatandang kapatid ng dalaga na si Shirley ang natanggap na mensahe kaya’t labis pa silang nag-alala dahil bukod sa hindi umiinom ng alak ang kanilang kapatid, hindi rin ito dumadayo sa malalayong lugar tulad ng Tarlac para lamang gumimik.

Hindi na rin nag-reply ang nagpadala ng text nang tanungin kung sino ang kasama niya sa Tarlac at hindi rin sumagot sa tawag ng nakatatanda niyang kapatid kaya’t lumaki ang kanilang hinala na hindi si Cristina ang nagpadala ng mensahe at ginamit lamang ang kanyang cellphone.

Bunga nito, nagpasya si Shirley na humingi na ng tulong sa kanilang kapitbahay na si P/Maj. Amadeo Estrella na isang opisyal ng Rizal Provincial Police Office na malapit din sa kanilang pamilya.