Sigaw ng katarungan sa pinaslang na Grab driver

Part 8

Natuklasan din ng pulisya mula sa kapatid ni Cristina na may minamanehong sasak­yan ang dalaga nang iulat nila ang hindi na pag-uwi ng biktima mula nang umalis ng kanilang bahay ng araw ng Huwebes, Mayo 23, 2019.

Dahil dito, hiniling ng mga imbestigador sa building administrator ng condominium na masilip ang kuha ng kanilang close circuit television (CCTV) camera mula pa nang iulat ng pamilya Palanca ang pagkawala ng biktima na posibleng makatulong sa pagtunton nila sa suspek.

Dito na nakita ng pulisya ang pagdating ni Cristina, sakay ng minamanehong kulay itim na Toyota Avanza na may plakang DAE-3053 na kanyang ipinarada sa tapat ng condominium.

Nakita rin ang pagbaba ni Cristina at ang pagpasok niya sa entrada ng condominium bagama’t wala ng kuhang CCTV na magpapatunay na sa unit ni Largado siya nagtungo.

Makaraan ang mahigit isang oras, nakita naman ang paglabas ni Largado mula sa entrada ng condominium at sumakay sa driver’s seat ng itim na Toyota Avanza bago tumalilis patungo sa hindi nabatid na lugar.

Dahil malinaw sa kuha ng CCTV na si Largado ang nagmaneho ng sasakyan ni Cristina, kaagad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa tanggapan ng Grab Philippines upang matunton ang kinaroroonan ng sasakyan sa pamamagitan ng nakakabit ditong global positioning system o GPS.

Gayunman, natuklasan ng pulisya na matapos tangayin ni Largado ang sasakyan ni Cristina, hindi na matukoy ang kinaroroonan nito dahil nawala na sa kanilang GPS.