Sa hinaba-haba man ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy. Ito ang naaangkop na talinghaga para sa mga naging biktima ng Martial Law, dahil sa wakas ay mababayaran na rin sila para sa napaka-lupit na karanasan na sinapit nila noong panahon ng diktadurya.
Kung tutuusin ay noon pa nga dapat nabayaran ang mga kaawa-awang biktima ng batas militar sapagkat hindi naman basta-basta kompensasyon ang ipinaglalaban dito ng mga taong dumanas ng matinding kalupitan sa kamay ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang ipinaglalaban nila rito ay katarungan at kabayaran sa lahat ng pagmamalabis na naranasan nila sa kamay ng mga alipores at galamay ng dating diktador. At batid kong alam na alam ni dating Sen. Bongbong Marcos ang pinaggagawa ng kanyang ama — ito’y nababasa at itinuturo sa eskwelahan.
Hinding-hindi maikakaila ng batang Marcos ang lahat ng kabulastugang ginawa ng kanyang ama. Pati ang kalupitan at karahasan na sinapit ng mga naging biktima ng batas militar, maliban na lamang kung mayroon siyang sariling mundo.
Ang mahirap kasi sa lahat ay ang magbulag-bulagan o kaya naman ay magbingi-bingihan. Mahirap magbingi-bingihan o magbulag-bulagan sa kabila ng nagdudumilat na katotohanan na marami sa mga naging biktima ng dating diktaduryang Marcos ang sumisigaw ng katarungan.
Sa mahigit 4,000 biktima ng Martial Law at sa loob din ng ilang dekadang paghihintay para sa nasabing kompensasyon, lumalabas na 300 biktima lamang muna ang mabibigyan ng paunang bayad o iyon ngang tinatawag na kompensasyon.
Samantalang milyun-milyon ang inilalabas na kuwarta ng pamilya Marcos para sa electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos para sa pinagtatalunang Vice-Presidential race noong nakalipas na eleksiyon laban kay Vice-President Leni Robredo.
Paano kaya nasisikmura ng pamilya Marcos na milyun-milyon ang inilalabas nilang pera para sa kanilang pansariling interes gayong libu-libo namang biktima ang sumisigaw ng katarungan para sa kalupitang sinapit ng mga taong napariwara ang buhay noong panahon ng diktadurya.
Ang matindi nito, ang lakas pa ng loob ng mga ito na ipaglaban ang kanilang protesta gayong sariwang-sariwa pa sa isipan ng mga biktima ng batas militar ang karahasang ginawa ng dating Pangulong Marcos, hindi na ba talaga tinatablan ng hiya ang pamilya Marcos? Ang masakit lang, tila nakalimutan ng mga bagong sibol o mas kilalang millennials ang nakaraan.
Ang isa pang tanong dito, ano pa ang halaga ng kompensasyong matatanggap ng pamilya ng mga naging biktima — kung ang mismong mahal nila sa buhay na dumanas ng kalupitan ay magpa-hanggang ngayon ay hindi pa nila alam kung buhay o patay?
Dahil ang karamihan sa mga naging biktima ay basta na lamang nawala at hindi na nakita pa. Kahit ilang libo pa ang matanggap na kabayaran ng pamilya ng mga naging biktima ng Martial Law, hinding-hindi na maibabalik ang mga buhay na nawala.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
Rey Marfil palagay ko di tayo nagkakalayo ng edad, panay ang bira mo sa mga Marcos nung naging pangulo si Cory bat di nya inasikaso yung kompensasyon ng mga biktima kasi inuna pa nya ang kamag anak incorporated at ang kanilang hacienda na di daw kasali sa CARP, naging pangulo si Ramos ganun din nagpayaman sa poder, si GMA ginastos yung paunang bayad sa mga biktima ng ML, at ang amo mong si PNoy ano ginawa nganga din kung nagpursigi lamang ang mga nagdaang Pangulo matagal na sanang naayos yan, ang kasalanan ng ama di mo pwedeng ipasa sa anak. Kahit sa sarili mo kung may nagawa kang kasalanan di ito pwedeng pagbayaran ng anak mo, di ka namin kakampi dahil ang pagbabalita mo ay hindi parehas.