Umapela ang limang teams ng PBA sa pito pang kasamahan nilang clubs na tigilan muna ang paglalabas ng anumang statement hinggil sa isyu kay Commissioner Chito Narvasa.
Ang lima ay ang tatlong teams ng San Miguel Corp. (San Miguel Beer, Ginebra, Star), GlobalPort at Kia Picanto.
Ang Seven naman ay ang tatlo sa Manny V. Pangilinan group (TNT KaTropa, NLEX, Meralco), Alaska, Rain or Shine, Phoenix at Blackwater.
Huwebes ay nagpasa ng resolusyon ang Seven na hindi na ire-renew ang termino ni Narvasa pagkatapos ng 42nd season ng liga.
Sinabi rin ni incoming league chairman Ramoncito Fernandez ng NLEX na ninombrahan si Rickie Santos bilang officer-in-charge. Si Santos ang PBA deputy commissioner for basketball operations.
Umapela ang PBA Five sa Seven na resolbahin ng Board bilang collegial body (nagkakaisa) ang usapin o stalemate para mapanatili ang integridad ng liga at mapangalagaan ang interes ng fans.
Hiniling ng PBA Five na solusyonan ito sa Nov. 14, sa Annual Planing ng liga.
“In the meantime, we appeal to the other members of the board to refrain from issuing any statement, making further comments, assumptions and judgments until after we deliberate on, and settle, this standoff,” bahagi nh statement ng PBA Five na ipinadala sa media.
Nag-ugat ang usapin nang aprubahan ni Narvasa ang trade sa pagitan ng Kia at San Miguel Beer para sa No. 1 pick ng Picanto kapalit ng ilang veteran players at 2019 first round pick ng Beermen.
Ginamit ng SMB ang pick para tapikin si 6-foot-7 Christian Standhardinger.