Signal no. 1 itinaas sa Davao Oriental

Signal no. 1 itinaas sa Davao Oriental

Inilagay sa ilalim ng signal no. 1 ang lalawigan ng Davao Oriental matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility Linggo nang umaga, ang tropical depression Chedeng.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) makakaranas ng katamtaman hanggang mabigat­ na bugso ng ulan ang ilang bahagi ng Mindanao dahil sa bagyo, kabilang rito ang Surigao del Sur, Agusan del Sur, Davao Oriental, Compostela Valley, at Davao del Norte.

Pinaaalalahanan ang mga residente sa nasabing mga lugar ng pagiging alerto dahil sa posibilidad ng pagguho ng lupa at pagbaha. Pinagbawalan na rin ang maliliit na bangka na maglayag sa bahagi ng Visayas at Mindanao.

Binabantayan din ng ahensiya ang posibleng pag-landfall ng bagyo sa Davao Oriental Lunes nang gabi o Martes nang umaga.

Huling namataan ang sentro ng bagyo dakong alas-kuwatro Linggo nang hapon, 830 kilometro silangan ng Hinatuan,­ Surigao del Sur at napanatili ang lakas ng hangin sa 45 kph.