Siguradong relokasyon sa bawat demolisyon

aksyon-bee-albee-benitez

Magkakaroon ng demolisyon dahil sa isasagawang infrastructure project sa lugar ng R10 sa Navotas. Nangangamba na ang mga nanunuluyan dito kung saan sila lilipat pag nawala ang kanilang mga tirahan.

Iba naman ang pino-problema ng mga nakatira sa Manggahan Floodway sa Pasig. Iniinda nila ang hindi maayos na sewerage system sa kanilang lugar.

Hindi ko man nararanasan ang inyong kalagayan ngayon, ginagarantiyahan ko naman po na kasama ninyo ako sa inyong hinaing at laban na magkaroon ng maayos na komunidad.

Kaya bilang chairman ng housing committee sa Kongreso, isinusulong ng inyong lingkod ang on-site development para sa mga nakatira sa R10 sa Navotas.

Itinutulak din natin na gastusan o i-subsidize ng NHA ang sewerage system para hindi na maging pabigat sa mga residente rito.

Sa dalawang panig, mas mabigat ang problemang pinapasan ng mga taga-Road 10.

Malapit na ang Pasko. May maayos na kaya silang relokasyon?

Nasa 5.5 milyon ang housing backlog sa bansa at tataas pa ito dahil sa pagtaas na rin ng populasyon. Sabi sa survey ng NHA noong 2011, mga 1.5 milyon ang mga informal settler sa bansa at mahigit sa kalahati nito ay nasa Metro Manila at naka­tira sa mga mapa­nganib na lugar.

Kailangan makapagpatayo ang gobyerno ng mga 2,602 na taha­nan kada araw sa loob ng anim na taon upang mapunan ang backlog. Wish ko na kayanin sana ito ng gobyerno.

Ang pagkakaroon ng bahay ay isa talagang mailap na pangarap.

Kaya nga po idinada­langin ko na magising na lahat ang mga lider natin sa pamahalaan, lalo na sa mga pamahalaang lokal. Hindi kaila sa inyo na malapit sa puso ko ang usaping pabahay. Dito ginugol ng aking ama, si Deputy Minister on Human Settlements, Jose Conrado ‘Jolly’ Benitez, ang pagseserbisyo para sa mga kababayan natin.

Nauunawaan ko ang mga mithiin, panga­ngailangan at pagsubok na hinaharap ninyo. At isa sa mga mithiing ito ay ang magkaroon ng sariling bahay para sa inyong pamilya.

Kaya ngayon po bilang pinuno ng hou­sing committee, kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalan sa pabahay, ako ay kumakatok sa inyong mga puso upang pag-usapan kung paano natin mapagtutulungang maipatupad ang mga programang pabahay sa inyong mga nasasakupan.

Tiwala ako na mas gaganda ang buhay ng mga maralitang tagalungsod kung ang relokasyon na ipagkakaloob sa kanila ay malapit sa kanilang pangangaila­ngan at hindi malayo sa siyudad.

Magandang lakipan ng trabaho ang mga programang pabahay. Otherwise, useless lang ‘yan.

Ang nangyari kasi ay parang itinapon lang ang mga benepisyaryo. May bahay nga sila sa labas ng siyudad pero bumabalik din sa dati.

Bakit? Dahil ang dugtong ng pabahay at hanapbuhay ay napakahalaga.

Paano ba natin matutulungan magkabahay ang maralitang Pilipino?

Ipinapayo ko po na bumuo kayo ng samahan dahil isa itong requirement ng gobyerno para matamasa ninyo ang programang pabahay. Kasunod nito ay hihintayin nila ang proseso ng approval, kasama na ang proseso ng paghahanap ng relocation site at pagpagawa ng matitirhan.

Gaano man kaliit o kalaki ang mga informal settler sa inyong lugar, iisa lang ang ibig sabihin nito – may mga mamamayan kayo na nanga­ngailangan ng pabahay at dapat itong matugunan.

Ang ating mga ahensyang pabahay ay may kanya-kanyang programang ipinatutupad na angkop at eksklusibo lamang para sa mga local government units .

Ang LGU ang nagbibigay ng lupa at ang NHA ang nagsasagawa ng site development kasama na ang pagpapatayo ng mga bahay.

Naniniwala po ako na ang mga LGU ang nasa pinakamagandang katayuan upang ipatupad ang mga programang pabahay ng gobyerno.

Kasi dahil kayo mismo ang unang nakakaalam sa mga pangangailangan ng inyong mga mamamayan.
Sabay po nating aksiyunan ang problema sa pabahay para sa bayan.

Pag sapat at wasto ang pagpapatupad sa mga programang pabagay, tiyak na gaganda ang buhay.