
MILAGRO ang nangyari sa naging pagbabago ng buhay ng isang magaling at sikat na aktor ng kanyang panahon. Maging ang estado ng buhay ng kanyang pamilya ay pinagmilagruhan din.
Mula sa kahirapan ay nakatawid na sila, maayos na ang kanilang buhay ngayon, ang husay niya sa pag-arte ang naging puhunan ng young actor sa pagginhawa ng kanilang kabuhayan showcase.
Napadpad ang aming source sa mismong lugar kung saan lumaki ang young actor, marami itong nakakuwentuhan, maraming maligaya para sa batang aktor.
Kuwento ng aming source, “Kadalasan kasi, maraming kuwentong nega tungkol sa mga artistang sinusuweteng sumikat. Magpunta ka sa lugar nila, puro pintas ang maririnig mo. Puro reklamong yumabang na raw ang kababayan nila, blah-blah-blah!
“Pero kakaiba itong si ____(pangalan ng young actor na magaling umarte). Hindi lang ang family niya ang masaya, pati ang mga kapitbahay nila, mga dating kaibigang nakakasama niya, maligaya sila para sa biglang pagbabago ng buhay ni bagets!
“Hindi pala kasi siya nakalilimot, kapag may free time siya, e, umuuwi pa rin siya sa bayan nila. Mahigpit ang schedule niya dahil sa taping, shooting, personal appearance at kung ano-ano pa, pero naisisingit niya pa rin ang pagdalaw sa family and friends niya,” kuwento ng aming impormante.
Malayo pa ang mararating ng young actor na ito dahil sa natural niyang pag-arte. Mata pa lang niya ay nagsasalita na, hindi na kailangan ng dialogue, pinapalakpakan palagi ng produksiyon ang kanyang mga eksena.
“Wala siyang kaere-ere, kilalang-kilala pa rin niya ang mga taong nakakasama niya dati, nagkakasya pa rin ang sombrero niya sa ulo dahil hindi siya nalunod sa popularity niya ngayon,” pahabol pa ng aming impormante.
***
Julia nakipagtagisan kay Iza
KAILANGANG itago nina Iza Calzado at Julia Barretto ang isang tuhog na eksena nila sa Ngayon Ay Kailanman nu’ng isang gabi. Iniyakan ‘yun ng manonood, pinalakpakan ng kanilang mga tagasubaybay, dahil tumawid sa telebyuwers ang sinseridad ng kanilang pag-arte.
Tungkol ‘yun sa nakaraang buhay ni Eva (Julia) na hindi niya maala-alala, pilit niyang binabalikan ang kanyang kamusmusan pero maramot ang panahon sa kanya, hanggang sa isang araw ay malayang bumalik sa kanyang isip ang nakaraan.
Napakahaba ng eksena ni Julia, takbo siya nang takbo, kung saan-saang lugar sa isla siya napapasuot hanggang sa huminto siya sa dalampasigan.
Kay Rebecca (Iza) siya tumuloy, ayaw niyang makita siya ng kinagisnan niyang pamilya na namumugto ang mga mata at sobrang lungkot, ikinuwento niya kay Iza ang mga tagpong nagbalik sa kanyang alaala.
Habang nagkukuwento si Julia ay kinukunan ng reaction shots si Iza, halimaw ang aktres na ito sa pag-arte, nakikipagtagisan ng galing kay Julia ang kanyang mga mata.
Ang tagpong ‘yun ay isang napakalaking rebelasyon sa paghahanap ni Rebecca kung nasaan ang tunay nitong anak. Nakumpirma ang lihim dahil sa ipinakita nitong kuwintas kay Julia na palatandaan na ang may suot nu’n ay ang kanyang anak na matagal nang nawawala.
Nang magyakapan na sina Iza at Julia ay pinagmasdan namin ang paligid. Lumuluha ang aming mga kasambahay. At ayaw naming magkunwari. Nakikiluha rin kami sa eksena.
Sabi ng isang kasambahay namin, “Patay ka na, Alice Dixson! Tapos na ang pagpapanggap mo, Elisse Joson! Heto na ang tunay na anak ni Rebecca na nag-iisang tagapagmana ng mga Cortez!”
Kabisado nila ang kuwento ng Ngayon At Kailanman. Kung paanong hindi rin kami maililigaw sa daloy ng kuwento ng seryeng inaabangan namin gabi-gabi.
Palakpakan!