tonite-no-thanks-cristy-fermin
Wala lang, naalala lang ng isang grupo ang mga kakuwanan ng isang sikat na female personality nu’ng kasagsagan pa ng kanyang kasikatan. Tama kasi ang tiyempo, ilang tulog at gising na lang ay Pasko na, kaya siya ang palaging naaalala ng mga taga-showbiz kapag ganitong panahon na.

Kilala sa pagiging generous ang sikat na aktres, bulagsak naman sa pera ang pagkakilala ng mga taong malapit sa kanya, dahil wala siyang habas kung gumastos.
Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Naalala ko na naman si Ate ____(pangalan ng sikat na female personality). Nu’ng time na ang biyaya kung dumating sa kanya, e, parang baha sa dami, wala siyang pakialam sa pera!

“Magyayaya siya ng mga kaibigan sa bar, sky is the limit kung gumastos siya, talagang nagbi-bill siya nang daang libo! Ganu’n siya katinding gumastos nu’n!
“Ang house niya, e, parang bahay-ampunan, ayaw niyang magpauwi ng mga kaibigan niya, kailangang nandu’n lang sila sa bahay para kapag naisipan niyang umalis para magpunta sa kung saan, wala nang hanapan!

“Ibang klase siya kung magwaldas ng datung nu’n! Hindi siya nag-aalala sa bukas, kasi nga, ang dami-dami niyang salapi!” kuwento ng aming source.
Christmas party ba kanyo? Aysus, nagpapadeliber siya nang daan-daang libong halaga ng mga papremyo, bukod pa ‘yun sa cash na ipinamamahagi niya sa buong gabi ng party.
“Napakasarap alalahanin ng mga panahong ‘yun na kapag siya ang nagpapa-party, e, wala siyang pakialam sa lumalabas sa bulsa niya. Ang mahalaga, e, happy ang lahat, walang uuwing luhaan!

“Hindi na niya nagagawa ang ganu’n ngayon dahil hindi na kalakihan ang kinikita niya, wala na siyang buslong pagkukunan, pero hinding-hindi malilimutan ng mga taga-showbiz ang pagiging generous niya nu’n!

“Siya lang ang ganu’n. Wala nang iba. Basta, napakarami niyang pinaligaya at binahaginan ng suwerte niya!” pag-alala pa ng aming source.

Willie Revillame may-ari ng beach resort sa Puerto Galera

May kaitiman si Willie Revillame nang magkita uli kami pagkatapos nang mahabang panahon. Halatado ang sunog niyang balat na namumula-mula pa.

Madalas siyang magyate ngayon kasama ang kanyang staff papunta sa Puerto Galera. May nabili siyang bagong property, ang bestfriend niyang si Lito Camo ang nag-alok sa kanya, si Willie na ang may-ari ngayon ng Mangrove Cove sa Callao, Puerto Galera.

Mabusisi sa ganito ang aktor-TV host. Kapag may mga pinaayos siya, maging sa mga bahay niya, ay kailangang personal niyang pinamamahalaan ang paggawa.

Kahit sa stage ng kanyang mga shows ay siya ang nagbabantay, kailangang alam niya ang ginagawa ng mga karpintero at designer, napaka-hands on ni Willie sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay at career.

Napakaganda na ng kanyang mansiyon sa Iruhin, Tagaytay. Pati ang mga villa niya ay tapos na rin. Nagpapadeliber siya ngayon ng mga tent na ipatatayo niya sa palibot ng malawak niyang bakuran.

Mula sa kanyang bedroom ay kitang-kita ang mapanghalinang view ng Taal Lake. De-buton ang mga kurtina, mga importanteng kagamitan lang ang nandu’n dahil ayaw niya sa kuwartong punumpuno na halos hindi na siya makahinga, puro puti ang lahat ng mga kagamitang nandu’n.

Puwedeng kainan ang CR ni Willie Revillame. Walang ibang kulay kang makikita du’n kundi puro puti lang. Ang kanyang bowl ay wagas sa kabonggahan dahil wala ka nang anumang pipindutin pa pagkatapos mong gumamit.

May sariling buhay ang kanyang bowl. Tawa kami nang tawa ni Willie dahil nagbalik sa aming alaala ang buhay namin sa probinsiya.

Napakapayak. Pangarap lang ang lahat. Pero dahil masipag at kakampi ni Willie Revillame ang kapalaran ay naging katotohanan ang kanyang mga pangarap.

Sabi niya, “Wala namang lahat ‘yan. Masarap lang pakinabangan ang kinikita mo, pero kapag nawala tayo, hindi naman natin madadala ang lahat ng ‘yan.”
May compass sa utak si Willie Revillame kaya hindi siya naliligaw sa kabila ng kanyang tagumpay.