Sikat na ang 3-on-3!

buhay-atleta-by-charlie favis

Puro 5-on-5 ang laman ng dyaryo. Gusto naman nating tulungan ang bagong Olympic sport na 3-on-3.

Gaganapin ang FIBA-accredited Hoop Battle Championship (HBC) finals sa Guangzhou, China.

Ito ay ang pinakaprestihiyosong torneong 3×3 basketball sa China.

Ang kampeon sa torneong ito ay may P3,000,000 premyo; 2nd place P1,200,000; at pangatlo ay P600,000.

Magkakasagupa ang mga kampeon ng Biejing, Hong Kong, Shanghai, Guangzhou at mga champion sa iba’t ibang region ng China kasama ang Taiwan.

Ngayong 2018, nag-expand ang HBC sa Asia at ang unang isinaling koponan ay ang Pilipinas.

Nu’ng nakaraang buwan ng Hulyo, ginanap ang VIVO-Hoop Battle Championship Manila na sinalihan ng iba’t ibang koponan.

Ilan sa mga kilalang player sa UAAP, NCAA, MPBL, ex-PBA at mga ex-import ng mga unibersidad ay lumahok sa isang buwang torneo.

Ang naging kampeon ay ang Metro Star Realty na pinangunahan ng American Practice Player ng NorthPort na si Jamal Thomas, 6’6” at mga Wangs basketball team member na si Reinier Quinga, 6’3”, Joseph Navarro, 5’10” at Argene Sabalza 6’5”.

Ang Metro Star team ay walang talo. Sila ay nag-uwi ng P200,000 cash prize at kakatawan sa Pilipinas kasama ang 2nd placer na binubuo ng mga ilang player sa Mandaluyong team ng MPBL sa HBC-FINALS na gaganapin ngayong darating na Oktubre 5-7, 2018.

Ayon kay Jojo Quinga, coach at trainer ng Metro Star Realty, nag-eensayo sila tatlong beses sa isang linggo at kung walang conflict sa kanilang eskwela ay sumasali sila sa 3X3 Training Session ni Coach Ronnie Magsanoc sa Meralco Gym.

“Si Jamal, Joseph at Reinier ay nagpapasa­lamat sa mga training session ni Coach Ronnie, marami kaming natutunan at nakaensayo namin ‘yung mga sumi­sikat na mga manlalaro ngayon,” sabi ni Quinga.

Sa huling 7 araw, maga-absent muna sila sa kanilang mga klase para mag-ensayo araw-araw bago lumipad patungong China.

“Ang sabi ko sa mga player ko, this is a once in lifetime opportunity, paghandaan natin ito nang husto para na rin sa karangalan ng Pilipinas. Bihira ang nabibigyan ng ganitong opportunity,” dagdag ni Quinga.

Ang 3×3 Basketball ay sikat na sa atin noong 1960s pa. Eto yung tinatawag na TATLUHAN, at ang pustahan ay suotan at kantiyawan.

Lahat ng ating magagaling na basketbolista ay nag-umpisa sa TATLUHAN, karamihan sa mga basketball court na nakapako sa poste ng Meralco o itinali sa ilalim ng puno.

Ngayon usong-uso ito sa Amerika, Europa at China.

Katunayan, sa dada­ting na TOKYO Olympics ay kasama na ang 3X3 Basketball.

May tsamba tayong mga Pinoy dito.

Katunayan, first time natin talunin ang RUSSIA sa basketball, eto ay sa FIBA 3×3 na ginanap sa Philippine Arena kamakailan lang.
Sa 3×3 dapat 100% kundisyon ka, kumpleto ka, may shooting, depensa, dribble at utak.

Sampung (10) minuto lang o hanggang 21 points lang kada laro at sa bawat 12 seconds kailangan i-shoot mo na ang bola kundi time violation ka.

Nakakapagod din. Hingal-kabayo ka dito sa larong ito.