NAPAKATAAS pala ng pride ng isang kilalang female personality. Hindi siya lumalapit sa kanyang mga kadugo kapag problemado siya sa pananalapi.
Dating punumpuno ang bulsa ng babaeng personalidad, kapag marami siyang raket ay inilalabas niya ang kanyang mga pamangkin, ipinagsa-shopping din niya ang mga ito.
Pero kung paanong nagbabago ang tao ay ganu’n din ang panahon, biglang tumumal ang kanyang trabaho, masyado siyang sumentro sa kanyang mga problemang personal.
Natural, wala siyang kinikita, meron man siyang naiipon ay unti-unti na ring naubos, kaya ramdam na niya ang kakapusan.
Kuwento ng aming source, “Napakataas ng pride ng babaeng ‘yun! Hindi siya lumalapit sa mga kapatid niya, samantalang handa namang tumulong sa kanya ang mga ‘yun, dahil nu’ng siya ang maluwag sa pera, e, naging bukas ang palad niya.
“Mas gusto pa niyang mangutang sa mga kakilala niya, kinakagat niya ang interest, mairaos lang niya ang mga pangangailangan niya at ng mga anak niya.
“Nu’ng minsang mag-try ang kapatid niya na tumulong sa kanya, e, nainis pa siya. Ano raw ang akala ng utol niya, nagdarahop na siya? Hindi niya tinanggap ang tulong, nangutang na lang siya nang patubuan!” namamanghang kuwento ng aming impormante.
Hindi siguro niya matanggap na dati ay siya ang tumutulong sa mga nangangailangan, siya ang takbuhan ng kanyang mga kaibigang kapos sa pera, pero baligtad na nga kasi ang sitwasyon ngayon dahil butas na ang kanyang bulsa at ubos na rin ang kanyang naipon.
Sabi uli ng aming source, “Naku, hindi siya pakakainin ng pride na ‘yan! Dapat niyang malaman na walang masama sa pagtanggap ng tulong, hindi lang laway ang nilulunok, ang mataas na pride din!”
Oo nga naman!
***
Alden inikutan ang magarang kotse ni Willie
MALAPIT nang magbukas ang food chain ni Alden Richards sa Biñan, Laguna. Dugo at pawis at luha ang ipinuhunan ng Pambansang Bae sa bagong negosyong ito bukod sa kanyang Concha’s na madadagdagan na rin ang sangay.
May kuwento kami tungkol kina Alden at Willie Revillame. Kumikita na nang malaki nu’n si Alden, putok na ang tambalan nila ni Maine Mendoza, nang magkita sila ni Willie sa parking lot ng GMA-7.
Inikutan niya ang kotse ni Willie na ang halaga ay katapat na ng isang magarang mansiyon, sabi sa kanya ni Willie, “Hindi lang ganyan ang magkakaroon ka, mas marami pa, basta magsipag ka lang at huwag maaapektuhan ng kasikatan.”
Ang dalawang katangiang sinabi ng aktor-TV host ay hawak ni Alden. Masipag siya, hindi rin lumalaki ang kanyang ulo, kung ano siya nu’ng nangangarap pa lang ay ‘yun pa rin ang Alden na nakakasalamuha ng kanyang mga katrabaho ngayong sikat na siya.
Kami na ang nagsasabi na kapag may lumabas na kuwentong nagyabang o nagsuplado si Alden ay nagsisinungaling ang maysabi nu’n. Hindi na kailangang daanin pa sa korte ang istorya, agad-agad ay guilty na ang nagbabalita na yumabang na ang aktor, dahil hindi siya ‘yun.
Ang naturalesa ng tao ay hindi nababago ng anumang materyal na bagay. Ang mababait at marespeto ay mananatiling ganu’n kung paano rin na wala pa namang anumang napatutunayan, kapag maangas, ay hindi rin nababago.
Nakikinis lang ang ugali kung kinakailangan para sa imahe, pero paimbabaw lang ‘yun, lalabas at lalabas din ang naturalesa sa katagalan.
Ganu’n ang napapansin ng mas nakararami sa isang young actor na dating walang-wala, pero nang magkaroon ay akala mo na pag-aari nito ang mundo sa kaangasan, halatang-halata tuloy na matagal itong nagutom kaya nang makakita ng masasarap na pagkain ay lamon ang ginawa kaya naimpatso.