Sikat na komedyante ginagamit ng guwapong male personality

tonite-no-thanks-cristy-ferminPINAGTAWANAN lang ng aming source ang kuwentong magkarelasyon ngayon ang isang sikat na komedyante-TV host at ang isang guwapong male personality na regular na napapanood sa telebisyon.

Kesyo nakatira na raw ito sa bahay ng komedyante-TV host, kesyo nasusunod daw ang lahat ng kanyang luho ngayon dahil sa mayamang komed­yante, maraming kung anu-anong balita tungkol sa kanilang dalawa.

Kuwento ng aming source, “Naging kapani-paniwala ang balita dahil, di ba, galing sa isang bigong pag-ibig ang komedyante? Parang love on the rebound ang nangyari para sa iba. ‘Yung male personality na ipinalit ng TV host sa nang-iwang male personality sa kanya.

“Pero hindi totoo ‘yun! Planado ang mga drama nila on national television. ‘Yung komed­yante ang nakaisip nu’n! Magaling siyang magplano, nagi­ging effective!

“Sabi nu’ng komed­yante, ‘Gusto mo bang makilala ka nang mabilis? Gamitin mo ako! Use me in a sentence! Kunwari, nadedebelop na ako sa iyo, lalambingin mo kunwari ako sa ere!’

“‘Yun lang ‘yun! Wala silang relasyon, nagpupunta sa bahay ng ko­medyante ‘yung guy, pero lahat naman ng mga kasamahan niya sa show, e, tumatambay sa house niya!

“Nagpapaluto siya ng food, umiinom sila, du’n na rin nabubuo kung minsan kung ano ang mga gagawin nila sa show. Parang team building na nga ‘yun, e!” kuwento ng aming ­impormante.

Matindi ang panga­ngailangan ng male personality dahil malaki ang pamilya nito. Makapamilya ang binata, matulungin ito kahit sa kanilang mga kamag-anak, kaya nakagaanan ng loob ng komedyante-TV host.

“Mahal ng production ang male personality dahil mabait siya, may sariling sense of humor, walang arte sa katawan. Nakararating ‘yun sa komedyante, kaya para mas kumita pa ang guy, isinasama pa niya sa mga shows niya, saka igi­nawa niya ng drama na naging effective naman sa televiewers,” pagtatapos ng aming source.
Ayun!

Tatak Miss Universe ni Chokoleit namaalam na

NAGLULUKSA ang mundo ng mga komedyante, lalo na ang mga stand-up comedians, dahil sa maagang pagpanaw ng kanilang kasamahang si Chokoleit.

Siya ang nagpauso ng Miss Universe sa mga comedy bar, kanyang-kanya ‘yun, kahit papikit ay kayang-kaya niyang gawin ang pagrampa sa entablado na isang balabal lang ang kanyang props.

Dalawang beses namin siyang nakasama sa ibang bansa, una ay sa Amerika kung saan ka­ming dalawa pa ang magkasama sa hotel room, ikalawa ay sa Cana­da kung saan limang siyudad ang ­aming inikutan para sa show nila nina Vhong Navarro at Vina Morales.

Ganu’n nga yata ang mga komedyante. Sa entablado ay parang wala nang bukas sa kanilang pagpapatawa pero pagkatapos ng kanilang pagkokomedya ay tahimik lang sila.

Naobserbahan namin ang ganu’n kina Tito Dolphy, Babalu, Willie Revillame, Vic Sotto at sa marami pang nakakasama naming nasa linya ng pagpapatawa pero seryoso sa likod ng mga camera.

Sabi nga ng mga stand-up comedians ay ganu’n lang daw pala kabilis ang buhay, kausap lang nila si Chokoleit nu’ng isang gabi, pero patay na ngayon.

Atake sa puso ang dahilan ng pagpanaw ng magaling na komed­yante pero hindi namin nabalitaan kahit minsan na may sakit pala siya sa puso.

Walang-wala ‘yun sa kanyang itsura lalo na kapag nasa entablado na siya, para siyang manyikang de-susi na kapag nasimulan na ang pagkokomedya ay wala nang katapusan ‘yun, hahalakhak ka na lang nang hahalakhak sa kanyang mga kalokahan.

Ang aming pakikiramay sa lahat ng mga iniwan ng komedyanteng maraming pinahalakhak, pansamantalang naging gamot sa lungkot at problema ng mga Pinoy. Isang payapang paglalakbay.