Sikreto nina Lopez, Ochoa bubuyangyang

Dalawa sa pinakamaimpluwensiyang babaeng pambansang atleta ng bansa na sina jiu jitsu artist Meggie Ochoa at taekwondo jin Pauline Lopez ang magbabahagi ng kanilang sikreto sa kanilang mga tagumpay sa 2020 National Sports Summit (NSS) na gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pebrero 27-28.

Ang 29-anyos na si Ochoa ay isang beteranong internationalist sa jiu jitsu at nagwagi ng tatlong world championship title kasama pa ang gold medal sa women’s -45kgs class sa 30th Southeast Asian Games nitong Disyembre.

Si Lopez, na isa ring champion taekwondo athlete sa wo­men’s 57kgs class noong 2019 SEA Games, ay kasama ni Ochoa sa pagpahayag sa kanyang ekspiriyensa sa pagta­tala ng kanilang tagumpay sa Philippine sports.

Ang dalawang champion athlete ay makakasama naman ang mga kilalang sports specialist at educator sa dalawang araw na lecture-workshop na ituturo ni Dr. T.J. Rosandich, presidente at CEO ng United States Sports Academy (USSA), na ibabahagi ang kanyang expertise sa isang First World Perspective.

Si Dr. Celso Dayrit, chairman ng Southeast Asian Games Executive Committee, ang magsasalita ukol sa Philippine Sports and Olympic movement, habang si Department of Education (DepEd) Undersecretary Atty. Revsee Escobedo ang magbibigay ng lecture sa status ng sports sa schools kasama si Davao del Norte Youth and Sports Development head Giovanni Gulanes na magbabahagi ng kanilang regional sports program. (Lito Oredo)