Mawawala na ang “tsansingan” sa loob ng mga pampasaherong jeep dahil nais ng isang mambabatas na baguhin ang disenyo ng sasakyan upang maging kumportable ang mga pasahero.
Sa ilalim ng House Bill 2479 o Seat Space Requirement of Jeepney’s Act of 2016 na inakda ni Quezon Rep. Winston Castelo, nais nito na maging komportable ang lahat ng pasahero sa mga pampasaherong jeep.
“This bill seeks to promote the welfare of passengers in general,” ani Castelo sa kanyang panukala dahil karapatan umano ng mga ito na maayos na makaupo sa loob ng sasakyan.
Kapag naipasa ang nasabing panukala, maglalaan ang tsuper ng 14 inches na upuan sa bawat pasahero upang malayu-layo siya ng konti sa kanyang kapwa pasahero at maging kumportable sa pagkakaupo.
Hindi naman nagmungkahi ng parusa si Castelo sa mga lalabag kapag naging batas na ito subalit inatasan nito ang Department of Transportation na mag-isyu ng mga panuntunan sa upuan sa mga pampasaherong jeep.