Sikyo na inakusahan ng panggagahasa, napawalang-sala

EDISON REYES

Matapos mai-raffle ang usapin, napunta sa sala ni Manila RTC Judge Amor Reyes ng Branch 21 ang kaso at walang ini­rekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Sa inihaing ebidensiya ng tagausig sa sala ni Judge Reyes, nakasaad na noong Marso 14, 2006, nakatanggap ng mensahe si Rebecca sa akusado dakong alas-9:00 nang umaga na humihiling kung puwede silang lumabas at magkita.

Hindi naman tinanggihan ni Rebecca ang paanyaya kaya’t nagkita sila ni Claro sa Augusto Francisco St. sa Sta. Ana at mula doon ay sumakay sila ng pampa­saherong jeep patungo sa Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Manila.
Pagdating sa natu­rang lugar, pumasok sila sa isang bantog na fast food restaurant sa Rizal Avenue at umorder ng makakain.

Matapos makuha ang order na pagkain ay nag­lakad na sila hanggang makarating sa Aroma Motel na hindi kalayuan sa pinasukan nilang fast food restaurant.

Tumanggi umano ang biktima na umakyat sa naturang motel kaya’t hinawakan siya sa kamay ni Claro at hinilang paakyat sa itaas habang iginigiit na mag-uusap at kakain lamang sila rito.

Kinausap umano ni Claro ang isang lala­king room boy na siyang naghatid sa kanila patungo sa ookupahan nilang silid.

Nang makapasok sa loob ng silid ay tinangka pang lumabas ni Rebecca subalit kaagad na isinara ni Claro ang pintuan at itinulak siyang pahiga sa kama sa kabila ng patuloy niyang pagtatangka na makalabas ng silid.

Sinabi ni Claro kay Rebecca na mahal na mahal niya ang dalaga su­balit sa halip na sumagot, nakiusap siya sa la­laki na magtutungo muna sa banyo na pinahintulutan naman ng lalaki.

Habang nasa loob ng palikuran, nagawan­g tawagan ni Rebecca ang pinsang si Alberto na isang pulis upang magsumbong subalit hindi niya masabi ang eksaktong lugar na kanilang pinuntahan hanggang sa maubos ang baterya ng kanyang mobile phone.

Dito na puwersa­hang pumasok si Claro sa banyo at hinila si Rebecca pahiga sa kama bago pu­wersahang hinubad ang lahat ng kasuotan ng dalaga at kaagad na pumatong sa katawan ng dalaga.

Sa kabila ng pagpupumiglas at panununtok na ginawa ni Rebecca sa akusado, nagawa pa rin ng lalaki na mailugso ang kanyang kapurihan hanggang tuluyang makaraos.

Matapos nito’y kaagad na nagbihis si Rebecca at lumabas ng silid subalit napilitan pa rin siyang sumabay kay Claro pasakay ng pampasaherong jeep dahil hindi niya alam ang daan pauwi sa bahay ng kanyang amo.

Nang makauwi na siya sa bahay ng amo, nagawa na niyang ilahad sa kanyang pinsang pulis ang mga pangyayari at sa halip na isagawa ang pag-TUGIS sa akusado, tinuruan ng pulis ang kanyang pinsang dalaga na tawagang muli si Claro at sabihin na nais niyang makipagkita sa lalaki.

Hindi naman binigo ni Claro si Rebecca sa kagustuhan ng dalagang muli silang magkita su­balit nakaabang na pala noon ang pulis na pinsan ng dalaga at kaagad na isinagawa ang pagdakip sa akusado matapos magpakilalang isang a­lagad ng batas.

Dinala ni Alberto si Claro sa tanggapan ng NBI upang ang ahensiya ang humawak sa imbestigasyon at sa kasong pang­hahalay na isasampa ng dalaga laban sa akusado.

****PART 6 ****
Sa pagpapatuloy naman ng paglilitis, nilinaw ni Claro sa kanyang depensa sa hukuman ang tunay na pangyayari mula nang magkakilala sila ni Rebecca hanggang sa maging magkasintahan sila matapos ang dalawang buwang pagkakaibigan.

Sa kanyang depensa sa hukuman, sinabi niya na ang pagkikita nila ni Rebecca sa labas ay ang ikalawang ulit na nilang pagde-date dahil noong Marso 6, 2006 ay nagkasundo na rin silang lumabas bagama’t hindi naman sila nagtungo sa loob ng motel.

Nang muli silang magkasundong magkita noong Marso 14, araw ng Martes, sa Augusto Francisco Street sa Sta. Ana, Manila, sumakay sila ng jeep patungong Rizal Avenue at habang bumibili sila ng pagkain sa isang sikat na fast food chain, tinanong niya ang dalaga kung itutuloy nila ang planong pagpunta sa isang motel.

Nang sumang-ayon aniya ang kasintahan, naglakad sila patungo sa kalapit na Aroma Motel at ginabayan sila rito ng isang room boy patungo sa ookupahin nilang silid.

Habang nasa loob ng silid, nagtungo aniya sa loob ng banyo si Rebecca at nang lumabas ay nakatapi lamang ng tuwalya ang buong katawan at yumakap sa kanya sabay bigkas na mahal na mahal siya ng dalaga.

Dito na aniya niya sinimulang halikan ang dalaga na gumanti naman ng halik kaya’t inalis na niya ang tuwalyang tumatakip sa kabuuan ng kasintahan habang nagsimula na rin siyang maghubad ng lahat ng kanyang kasuotan.

Hindi aniya nagpahayag ng pagtutol ang dalaga nang simulan niyang ilugso ang puri nito subalit hindi pa man siya nakakaraos ay pinatigil na siya ng dalaga at sinabi sa kanya na hindi pa siya handa, na kanya namang sinunod.

Matapos nito’y nagbihis na aniya sila at magkasabay na lumabas ng motel at sumakay sa isang pampasaherong jeep pabalik sa kani-kanilang tinutuluyan.

Tumestigo rin bilang depensa ng akusado sa hukuman ang ina ni Claro at sinabing magkasintahan ang kanyang anak at si Rebecca kaya’t imposibleng gawin ng kanyang anak ang panghahalay sa dalaga.

Nang malaman aniya niya ang ginawang pagdakip sa kanyang anak, kaagad siyang nagtungo sa headquarters ng pulisya at dito niya nakita si Rebecca na tinangka niyang kausapin upang tanungin sa tunay na pangyayari subalit itinuro ng dalaga ang pinsang pulis na si Alberto na siyang kausapin.

Sinabi pa ng ina ni Claro sa korte na kinausap niya si Alberto subalit sinabi umano sa kanya ng pulis na wala ng marami pang usapan basta mangako lamang siya na magbibigay ng halagang P200,000.

Sa kabila ng inilatag na depensa ng akusado, higit na kinatigan ng hukuman ang ebidensiyang inihain ng tagausig na magpapatunay na may nangyaring panggagahasa sa biktima ng walang pag-aalinlangan kaya’t noong Nobyembre 17, 2008, pinatawan ng parusang reclusion perpetua si Claro.

Bukod dito, pinagbabayad din siya ng kabuuang halagang P100,000 bilang danyos at dahil mula ng maaresto ay nakadetine na si Claro, ibibilang ang panahong inilagi niya sa piitan sa kabuuang taon na ilalagi niya sa piitan na hindi bababa sa 40-taon.

Hindi naman nakuntento ang kampo ni Claro sa ipinataw na kaparusahan ng mababang hukuman kaya’t iniakyat nila ang usapin sa Court of Appeals (CA) sa pag-asang babaligtarin ng mga mahistrado ng appellate court ang ipinataw na parusa.

Masusing sinuring muli ng mga mahistrado ng CA ang inihaing mga ebidensiya ng tagausig pati na ang depensa ng akusado upang timbangin pareho ang bigat ng kani-kanilang testimonya na pagbabatayan kung wasto o nagkamali ang mababang hukuman sa ipinataw na kaparusahan.

Sa dakong huli, higit na pinaniwalaan ng mga mahistrado ng CA ang kredibilidad ng testimonya ni Rebecca, kumpara sa mga pahayag ni Claro, pati na ang akusasyon ng kanyang ina sa pinsang pulis ng biktima.

Partikular na binanggit ng mga mahistrado ng CA ang pagkakaroon ng galos at pasa sa katawan at braso ng biktima na lumabas sa ginawang pagsusuri sa kanya ng NBI medico legal officer na magpapatunay na may naganap na pamumuwersa kaya’t naisagawa ang panggagahasa sa dalaga.

Sabi pa ng mga mahistradong humawak sa apela ng kampo ni Claro, bagama’t nakasaad sa ebidensiya ng tagausig at maging sa depensa ng akusado na magkasabay pa silang lumabas ng motel at magkasamang sumakay ng pampasaherong jeep pabalik sa kani-kanilang tinutuluyan, malinaw ang naging katuwiran dito ni Rebecca na wala siyang pagpipilian kundi sumabay sa lalaki dahil hindi niya alam ang daan pabalik sa kanila.

Dahil dito, noong Marso 24, 2011, naglabas ng desisyon ang mga mahistrado ng CA na duminig sa apela ng kampo ni Claro na kumakatig sa naunang naging desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 21 na naghatol ng parusang reclusion perpetua laban sa akusado sa kasong rape o panggagahasa.

Hindi naman tuluyang nawalan ng pag-asa ang kampo ni Claro dahil iniakyat nila ang usapin sa Kataas-taasang Hukuman at umasang muli na makikita ng mga mahistrado ang katatagan ng kanilang depensa sa kasong kinakaharap.

Kabilang sa mga mahistrado ng Korte Suprema na nagrebisa sa kaso ni Claro sina Associate Justices Antonio Carpio, Mariano Del Castillo, Estela Perlas Bernabe, Alfredo Benjamin Caguioa at ang nag-ponente na si Lucas Bersamin.

Batay sa inilabas na promulgasyon ng mga mahistrado, nakasaad na kapun-apuna na ang bersyon ng pahayag ng biktima at akusado ay magkakasalungat kaugnay sa nangyaring puwersahang panggagahasa o kung kagustuhan nila kapwa ang magniig.

Sa kabila nito, magkatugma naman ang kanilang naging pahayag kaugnay sa napagkasunduan nilang pagtatagpo para sa isang lover’s date, pati na ang lugar kung saan sila magkikita, pagsakay nila ng jeep hanggang pagpasok sa isang restaurant at magkasabay na pagpasok at paglabas sa isang motel.

Ayon sa Korte Suprema, karaniwan ng hindi pinapaboran ang depensa ng isang akusado na magkasintahan sila ng biktima kaya’t may nangyari sa kanilang pagniniig lalo na’t walang malakas na testigong magpapatotoo nito.

Ibinatay ng mga mahistrado sa mga nakaraang desisyon na hindi katuwiran ang pagkakaroon ng relasyon ng magkasintahan upang akusahan ng babae ang lalaki ng panggagahasa lalo na’t ginamitan ito ng puwersa sa kabila ng pagtutol ng kanyang kasintahan.

Hindi rin maikakaila na ang pagpapahalaga at paninimbang ng mababang hukuman sa kredibilidad ng mga testigo sa usapin ay binibigyan ng kaukulang respeto ng mga mahistrado ng Mataas na Hukuman lalo na’t ang hukom na dumidinig sa kaso ang personal na nakapagmasid sa kanilang ugali at kilos na dahilan upang tukuyin kung nagsasalita ang mga ito ng totoo o naglulubid lamang ng kuwento.

Dugtong pa ng Korte Suprema, ang pagkatig ng Court of Appeals sa naging desisyon ng mababang hukuman ay tunay na mabisa sa pananaw ng mga mahistrado kaya’t napakadali lamang para sa kanila na pagtibayin ang hatol laban sa akusado lalo na’t kapwa nagsalita ang RTC at CA na mas may kredibilidad ang testimonya ni Rebecca kumpara sa depensa ng akusado.

Gayunman, hindi makatarungan na kaagad nilang ibasura ang depensa ng akusado na “consensual sexual intercourse” o ang pagkakasundo nilang isagawa ang pagniniig nang walang naganap na pamumuwersa.

Una na rito’y kapwa nasa hustong edad na ang biktima at ang akusado kaya’t may kakayahan na silang magdesisyon kung nararapat na nilang isagawa ang kanilang pagniniig o sexual intercourse bilang magkasintahan.

Naobserbahan din ng Korte Suprema na ang pagkakasundo ng dalawa na magkita at lumabas bilang magkasintahan, pati na ang pagsakay nila kapwa sa isang pampasaherong jeep at pagtungo sa isang restaurant upang umorder ng pagkain bago naglakad patungo sa motel kung saan sila nagkaroon ng sexual intercourse o pagniniig ay walang duda na kapwa nila ginusto.

Sa kabila ng pahayag ng dalaga na hinablot ang kanyang braso at hinila paakyat sa motel, walang ebidensiya na magpapatunay na nanlaban at tumanggi siyang pumasok sa loob ng motel lalo na’t magkasabay sila sa pagtungo rito at ginabayan pa ng sumalubong sa kanilang room boy.

Sabi ng mga mahistrado, isa itong malinaw na pruweba na may basbas din si Rebecca sa nangyari sa kanila ni Claro.

Sinuri rin ng Korte Suprema ang obserbasyon ng CA hinggil sa nakitang galos at pasa ng biktima sa kanyang kaliwang dibdib at braso na patunay umanong nagkaroon ng pamumuwersa at panlalaban habang isinasagawa ang panghahalay.

Ayon sa mga mahistrado, bagama’t may nakitang galos at pasa ang doktor na sumuri sa biktima, hindi ito nangangahulugan na gumamit na ng dahas ang akusado upang isagawa ang panghahalay sa biktima.

Isang pahayag na pahapyaw o “sweeping statement” lamang ang obserbasyon dito ng CA at pagbalewala sa posibleng pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng dalawa upang isagawa ang pagniniig.

Ang pagkakaroon ng galos at pasa, ayon pa sa Korte Suprema, ng isang babae o lalaki habang nakikipagtalik ay posible ring nakukuha sa boluntaryong pagpayag nila sa isa’t isa na isakatuparan ang makamundong hangarin.

Batay pa sa pahayag ng mga mahistrado, sa bawa’t kasong kriminal na idinudulog sa hukuman, ang bawa’t akusado ay may karapatan na mapawalang sala maliban na lang kung ang kanyang ginawang krimen ay mapapatunayang ng walang paga-alinlangan o pagdududa batay sa mga inilatag na ebidensiya ng tagausig.

Dahil dito, ang mga naunang desisyon ng Manila Regional Trial Court at ng Court of Appeals na nagpapataw ng parusang reclusion perpetua laban sa akusadong si Carlito Claro ay binaligtad at isinaisantabi ng Mataas na Hukuman sa kanilang inilabas na promulgasyon noong Abril 5, 2017 dahil sa kabiguang patunayan na nagkasala ang akusado ng walang pag-aalinlangan.

Iniutos din ng Mataas na Hukuman ang pagpapalaya mula sa pagkakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa city ng akusado, maliban na lamang kung may iba pa siyang kasong kriminal na kinakaharap.

Ang kasong panggagahasa na isinampa laban kay Claro ay isa lamang sa napakaraming usaping nakabinbin sa Mataas na Hukuman na masusing sinusuri ng mga mahistrado upang alamin kung nararapat nga bang mapatawan ng pinakamabigat na parusa ang nasasakdal.

Bagama’t bihira lamang ang nakakalusot o napapawalang sala sa mga isinasampang kaso ng panggagahasa lalo na’t mahirap para sa mga hukom at mahistrado na balewalain ang binitiwang salaysay ng biktima at paglantad niya sa publiko upang isa-isang himayin ang masaklap na sinapit sa kamay ng akusado, may pagkakataon na nakakasilip ng pagkakamali ang Mataas na Hukuman sa naging desisyon maging ng Court of Appeals tulad na lamang ng kaso ni Claro.

Gayunman, higit pa ring marami ang napapatunayang nagkasala sa kasong panggagahasa ng walang pag-aalinlangan lalo na’t karamihan sa mga inaakusahan ay nahuhumaling sa ilegal na droga.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang `yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo, walang krimen na hindi pinagbabayaran.