Noong 15th Congress, isinampa ni Aurora Rep. Sonny Angara ang House Bill No. 87 na may titulong “An Act to Ensure that Every Filipino is Granted with Basic Healthcare Services, Providing for the Purpose a Mandatory Universal Healthcare Coverage, and For Other Purposes.”

Isinampa ito ni Angara noong 2011 nang siya ay congressman pa lang. Matapos mahalal na senador noong 2013, naghain din siya ng panukala sa Universal Health Care (UHC) at ni-refile sa kasaluku­yang 17th Congress. Ibig sabihin nito, consistent ang senador sa pagsusulong ng panukala at hindi dahil sa tatakbo siya ng reeleksyon.

Bilang Senate President Pro-Tempore, nabigyan naman ng prebilehiyo si Senador Ralph Recto na unang makapaghain ng panukalang batas noong 2016 at isa sa kanyang isinampa ang UHC. Noong 15th Congress pa niya isinusulong ang bill at hindi niya ito nilubayan hanggang sa maisabatas ito.

Si Recto din ang nagtulak ng amendment na bawat pagtaas ng kontribusyon, kailangang tumbasan din ito ng pagtaas ng benepisyo. Naging miyembro rin siya ng bicameral conference committee para ayusin ang conflicting version ng Kamara sa nasabing panukala. Naisabatas ang UHC noong Pebrero 20, 2019 bilang Republic Act 11223.

Sa tweet ni Senador Panfilo Lacson noong Pebrero 19, binanggit nitong: “Sen JV is one of the most hard-working senator’s I’ve seen in all my 18 years in the Se­nate. We might as well refer to the Universal Health Care Act as the JV Ejercito Law.”

Nag-tweet din si Ejercito at nagpapasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpirma sa UHC law. May kaakibat din itong meme na siya daw ang principal sponsor at author ng panukala. Bilang chairman ng Senate committee on health, obligasyon ng senador na idepensa ang panukala hanggang sa ito’y maipasa at maisabatas.

Kung tutuusin, dapat ipangalan ang UHC Law bilang Recto Law dahil siya ang unang nag-file nito sa Senado sa ilalim ng 17th Congress. Kung ‘di man Recto Law, bakit hindi na lang Sonny Angara Law? Pero hindi na naghahabol ng kredito si Recto dahil mahalaga na sa kanya na naisabatas ito.”Credit can be shared. No problem,” sagot pa ng esposo ni Batangas Rep. Vilma Santos. Hindi rin masama ang loob ni Angara sa mga pangyayari.

Sa mga ganitong sitwasyon, naisip ko tuloy kantahin ang awitin ng Mabuhay Singers lalo na ang mga linyang “Ako ang nagtanim at nagbayo at nagsaing. Subalit nang maluto ay iba ang kumain.” Bato-bato sa langit, ang tamaan ‘wag magalit.