Kung mayroong “silent killer” sa hanay ng mga bata lalo na ang mga mula sa mahihirap na pamilya ay ang gutom.
Ito ang isa sa mga nais tutukan Vice President Leni Robredo na sumama sa brigada eskuwela sa Balara Elementary School sa Quezon City kahapon para ihanda ang mga silid-aralan sa susunod na school year na magsisimula sa Hunyo.
Ayon kay Robredo, maraming bata ang walang sapat na nutrisyon at pumapasok na walang laman ang tiyan at kung mayroon man ay hindi tama ang pagkain.
“Ito ang silent killer talaga sa atin ngayon. Hindi lang iyong wasting (kapayatan ng mga bata), pati iyong stunting (bansot),” ani Robredo dahil kulang ng nutrisyon ang mga batang mahihirap.
Mas nag-aalala ang Bise Presidente sa pagiging bansot ng mga bata dahil mas mahirap itong sugpuin kesa sa kapayatan dahil mahirap na umano itong maitama kapag dumating na sa edad 5 ang mga bata.
“‘Yung stunting, parang akala natin na bansot lang, pero iyong pagkabansot, pagpapakita ng grabeng malnutrition. Iyong pinakaproblema dito, after the age of 5 irreversible na siya,” ani Robredo.