SIM card registration binuhay

Dahil halos lahat ng mga Filipino ay gumagamit cellular phone, muling binuhay ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang panukalang batas na irehistro ang prepaid Subscriber Identity Modules (SIMs).
Sa Senate Bill 252 o “Prepaid Subscriber Identity Module (SIM) Cards Regulations Act of 2016” na kanyang ihinain, nais ni Lacson na mairehistro na ang lahat ng pre-paid SIM card na sa ngayon ay mabibili kahit saan.

“Possession of the most modern technology comes with tremendous responsibility. A mechanism must be put in place to ensure its effective use for the good of all while preventing its illegal or malicious use to benefit a few,” ayon sa panukala ni Lacson.

Ang nasabing panukala ay hindi nakapasa sa mga nagdaang mga Kongreso subalit nais ni Lacson na maipasa ito ngayon upang maiwasan na magamit ang mga pre-paid SIM card sa mga iligal na gawain.

Kapag naging batas, lahat ng mga bibili ng pre-paid SIM card ay kailangang mag-fill-up ng registration form at magpakita ng government IDs para sa kanilang pagkakilanlan at lalakipan ito ng kanilang ID picture.