Simbahan, gobyerno ‘di magkakasundo – Duterte

Ipinahayag kahapon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na kailanman ay hindi magkakasundo ang Simbahan at ang kanyang administrasyon lalo pa at nakikisawsaw ang mga ito sa ilang isyu lalo na ang anti-drug war ng gobyerno.

Ginagamit aniya ng mga pari at obispo ang kanilang relihiyon para atakehin siya at tawagin pang demonyo.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa Regional Barangay Summit on Good Governance of Region 10 na ginanap sa Davao City alas-siyete kagabi.

Tinukoy ng Pangulo ang ginawa ng mga pari na nag-pray over aniya kay Senador Antonio Trillanes IV na nagsabing ipagdasal siyang magkasakit sana para mamatay na.

“Monay kadaut ug gamiton nimong relihiyon para plataporma na ako’y atakehin. Because of the separation of Church and State di kita magkasinabo. We will never come to terms. Ang gobyerno man gyud walang ginoo,” pahayag ng Pangulo.

Hindi rin aniya tumitigil ang mga pari at obispo sa pamumuna sa mga napapatay sa anti-drug campaign na tila ba ba­yani kung ituring ang mga kriminal na pumapatay ng mga inosenteng mamamayan.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang ilang milyong drug addict ay alipin na ng iligal na droga at kapag walang maipambili ng shabu ay magnanakaw at papatay para lamang matustusan ang kanilang bisyo.