Simbahan nadamay sa sunog

Hindi bababa sa limang pamilya ang nawalan ng tirahan kung saan ay isang simba­han ang nadamay nang sumiklab ang isang sunog sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni Camanava District Fire Marshall Supt. Crispo Diaz, alas-dos ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog sa isang bahay na matatagpuan sa kahabaan ng Bautista St., Brgy. Panghulo ng nasabing lungsod.

Bagama’t mabagal na gumapang ang apoy ay nadamay ang ilang kabahayan at maging ang Seventh Day Adventist Church na nasa nasabi ring bahagi ng kalye kung saan ay ganap na alas-tres pasado ng madaling-araw nang iakyat sa second alarm ang sunog hanggang sa tuluyan nang maapula ito.

Samantala, nasa P200,000 na halaga ng mga ari-arian ang naabo sa sunog, wala namang naiulat na nasawi o su­gatan sa nasabing insidente. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon, inaalam na rin kung electrical failure ba o arso­nist ang naging sanhi ng sunog.