Nanawagan ang Simbahang Katolika sa publiko na makiisa sa pagdiriwang ng ika-12 taong paglahok ng bansa sa Earth Hour sa layuning maitaas ang kamalayan ng mga mamamayan sa pagtitipid ng enerhiya at wastong pangangalaga sa kalikasan.
Ang tema ng selebrasyon ngayon taon ay “Change the Way We Live” na ang isa sa mga adhikain ay ang tuluyang pagbabawal sa single-use plastics.
Sentro ng Earth Hour ang paghimok sa publiko na gumamit ng LED lights at wakasan na ang pagtangkilik sa mga single-use plastics.
Ito’y matapos na makilala ang Pilipinas bilang pangatlo umano sa pinakamalaking contributor ng plastic pollution noong 2016.
Gaganapin ang main switch-off event ng Earth Hour 2019 bukas sa Globe Circuit Event Grounds sa Makati City simula alas-singko nang hapon pero ang aktuwal na one-hour switch-off ay alas-8:30 nang gabi.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, mahalagang makiisa rin ang Simbahan sa Earth Hour para maihatid sa mga mananampalataya ang kahalagahan ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente.
Giit naman ni World Wide Fund for Nature-Philippines National Ambassador Rovilson Fernandez, ang pakikiisa ng bansa sa Earth Hour ay may malaking impact para maresolba ang problema sa climate change.
Taong 2007 nang unang isagawa ang programa sa Sydney Australia at 2008 naman nang ilunsad ito sa Pilipinas.
Noong 2018, umabot sa 188 mga bansa ang nakiisa dito at mahigit 17, 900 mga institusyon at establisyimento kabilang na ang mga simbahan ang nakiisa sa pagpapatay ng kuryente.(Mia Billones)