Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, pinangunahan ng Santo Papa ang Simbang Gabi sa Vatican City noong Linggo, Disyembre 15. Dinaluhan ng humigit kumulang pitong libong OFW ang Misa de Gallo ni Pope Francis kung saan mga Pilipino ang nagbasa at umawit sa makasay­sayang pagdiriwang.

Sa kanyang mensahe, kinilala ni Lolo Kiko ang pagdala ng mga Pinoy ng tradisyon ng Simbang Gabi sa iba’t ibang bansa sa mundo. Sa Misa, pinaalala ni Francis ang diwa ng Pasko bilang “pagmamalasakit sa mga mahihina at nangangailangan”. Bilang pasasalamat, naghandog ang Filipino community ng imahen ng Santo Niño bilang regalo sa Papa.

Sa kasalukuyan, nasa kasagsagan na ang masayang tradisyon ng Simbang Gabi sa bansa at buong daigdig kung saan may mga Pilipino. Sa sunod na Miyerkoles Pasko na! Para sa marami, ang pagbangon sa madaling-araw upang magsimba ang kagyat na paraan upang ihanda ang sarili sa pagsilang ng Manunubos.

Nagningning ang loob at labas ng Manila Cathedral noong ­Linggo sa pagsisismula ng Simbang Gabi. Punung-puno ng mga tao ang dambana – lahat may kanya-kanyang bitbit na dalangin sa paparating na Pasko. Ito ang kahuli-hulihang Simbang Gabi ni Luis Antonio Cardinal Tagle bilang Arsobispo ng Maynila bago siya lumipad sa Roma sa sunod na taon.

Paalala ng Iglesya ang orihinal na layon ng Simbang Gabi na panatilihin ang pana­nampalataya. ­Gayunman, taun-taon iba’t iba ang tema at pokus tulad ngayong ipinagdiriwang sa bansa ang “Taon ng Ekumenis­mo at Dialogo sa pagitan ng mga Relihiyon”. Muling pinaalalahanan ng Iglesya ang tanan sa kahalagahan ng pagbubukas ng kalooban tuwing Pasko.

Para sa mga ­Katoliko, ang ‘disiplina’ ng pagbangon nang mas maaga sa malamig na panahon ng Disyembre, ang nagkukumahog na pagtakbo sa Simbahan sa madaling-araw at ang pananatiling nakatayo sa buong seremoya ang kanilang alay kay Niño Hesus sa Kanyang kaara­wan.

Saad ng Simbahan, balewala ang ‘sakripisyo’ sa pagsisimbang-gabi kung iisipin natin ang mga kabutihang ginawa ng Panginoon sa atin higit sa lahat ang paghahandog ng Kanyang sarili. Ayon kay Fr. Bernard Lefrois, SVD sa pagsasagawa ng nobenaryo “we give Jesus ourselves, our hearts”. Nagsisimba tayo aniya hindi lamang upang humingi kundi para makinig, mag-alay at magpasalamat sa Poon.

Sa nakalipas, hindi maipagkakaila ang biyaya na ipinagkaloob sa marami dahil sa pagsisimbang-gabi: may pinagaling sa karamdaman, nakabayad sa pagkakautang, nagkaayusan at patawaran etc. Lahat ay itinuturing na ‘pabor’ dulot ng makapangyarihang pamamagitan ng Mahal na Birhen na huwaran sa paghahanda sa pagda­ting ng Manunubos.

Nawa sa muling pagsasagawa ng Simbang Gabi, mabuksan ang ating puso upang ­papasukin ang Diyos na nagkatawang-Tao. Sa pamamagitan nito tiyak na makakamit natin ang biyayang minimithi sa pag-aalay ng sakripisyo kalakip ang pangako na manatiling mapagpa­kumbaba at masunurin, bilang regalo sa Sanggol sa Belen.