Simula at katapusan

Aksyon Lady, Kaye Dacer

Sa mga binitiwang mensahe ng bagong upong hepe ng Natio­nal Capital Region Police Office (NCRPO) na si Chief Supt. Guillermo Eleazar, itinuturing naming pinakamatindi ang pangako niya para sa mga tiwali at abusadong pulis.

“Sa ating mga abusado at tiwaling pulis, itong pagsisimula ko ay siya namang kata­pusan niyo,” ayon kay E­leazar.

Malinaw ang mensahe ni Eleazar—tatapusin na niya ang pamamayagpag ng mga anay sa loob ng NCRPO. Kanya ring ipinaalala na noong siyang hepe pa lamang ng Quezon City Police District (QCPD) ay mahigit 400 pulis ang kanyang ipina-relieve at marami rin siyang tuluyang ipinasibak dahil sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso lalo na sa droga.

Sa kanyang pagsasalita sa kanyang u­nang araw bilang hepe ng NCRPO, ipinarating agad ni Eleazar ang kanyang misyon na linisin ang kapulisan sa Metro Manila alinsunod na rin sa ‘internal cleansing’ na siyang pangunahing misyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.

Ayon pa kay Eleazar, batid niyang mas mataas ang ekspektasyon sa kanya dahil malaki ang papel ng Metro Manila para makamit ang tulu­yang pag-angat ng bansa kaya naman ang kanyang mensahe sa mga pulis: “Kayong mga tiwali at abusadong pulis, UMAYOS NA KAYO at magpakatino dahil ABOT KO KAYO.”

Kaya naman ngayon pa lamang, naghihintay na kami sa mga susunod na pangyayari. Aaba­ngan natin kung sino-sino sa pulis dito sa Metro Manila ang tulu­yang mamamaalam, kung sino-sino ang mga mapaparusahan. Sa magandang record naman na naitala ni Eleazar, naniniwala kaming may malaking pagbabagong mangyayari at hindi siya magiging hanggang sa salita lamang.

Sa puntong ito, tinatawagan naming ang pansin ng mga pulis na may mga ginagawang kababalaghan, iyong mga nakasawsaw sa droga at korapsyon. Maka­bubuting umayos na kayo dahil kung hindi sa mga susunod na araw ay may kalalagyan ang tulad ninyo.

At para naman sa mga matitinong pulis, may pangako rin sa kanila ang bagong hepe ng NCRPO: “Kayong mga gumagawa ng tamang trabaho at nirerespeto ang uniporme at badge ninyo, huwag mag alala – ABOT KO KAYO.”

Reward the good, punish the bad ang polisiyang ipatutupad ni Eleazar. At magandang pangitain ito para sa hinaharap. Kung matutupad ang mga pa­ngakong ito, makakaasa ang mga taga-Metro Manila na magkakaroon ng positibong pagbabago sa ating kapulisan kung saan mananaig ang tunay, tapat at malinis na pagseserbisyo sa bayan.
Tuloy-tuloy lang po Sir. Abot din namin kayo!