Noong nakaraang linggo ay nagpahayag ang National Police Commission (Napolcom) na may nakita umano itong “probable cause” para sampahan ng kasong administratibo sina Police Director Joel Pagdilao at Chief Supt. Edgardo Tinio dahil sa kanilang pagiging “police protector” ng mga sindikato ng droga.
Si Napolcom Vice Chair Rogelio Casurao ang nagsabing nakakita ng documentary evidence ang investigating team ng Napolcom na sumusuporta sa akusasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang sina Pagdilao at Tinio sa apat na heneral ng Philippine National Police (PNP) na may kinalaman sa mga drug syndicates sa bansa.
“There will be basis already to come up with probable cause, a lot of standard operating procedures and police operating procedures have not been observed. Under our present rules it can warrant an administrative investigation that can lead to a verdict that will involve separation from service,” ani Casurao.
Pero sa bibig din mismo ni Casurao nanggaling na wala pa silang nakukuhang ebidensiya na direktang mag-uugnay kina Pagdilao at Tinio sa bentahan ng iligal na droga.
Ayon kay Casurao nasa rules ng Napolcom na ang pagiging “protektor” ng sindikato ng droga ay puwedeng hindi direktang proteksyon dahil kabilang sa pagiging protektor ang “non performance of duties that should have stopped the drug trade”.
“Karamihan nakita namin mga tao manning all these units did not have the proper training, tapos sila-sila rin andyan, umikot-ikot lang, there is a pattern of incompetence, they are just talking among themselves on the drug operations…Itong mga taong ito sila-sila rin ‘yung lumilitaw na personality, that gives us a strong belief somehow that these people are involved in drug business,” paliwanag ni Casurao.
Kung susuriin ang mga pahayag ni Casurao, lumalabas na wala talaga silang matibay na ebidensiya laban kina Pagdilao at Tinio at kaya hinahanapan ng Napolcom ng “documentary evidence” ang dalawang opisyal ng PNP ay bilang pagsuporta sa binitiwang akusasyon ni President Rody na siyang appointing authority sa Napolcom at maging sa PNP at Department of Interior and Local Government.
“Sin of omission” ang posibleng kasalanan nina Pagdilao at Tinio na ang ibig sabihin ay wala silang kongkretong aksyon na ginawa para manutralisa ang mga drug lords at drug pushers na nag-o-operate sa National Capital Region (NCR), lalo na sa Quezon City kung saan parehong naging district director ang dalawang PNP generals.
Sa doktrina ng Iglesia Katolika, kasalanan pa rin ang “sin of omission” sa kawalan ng aksyon para mapigilan ang isang krimen laban sa isang inosenteng tao sa lansangan.
Ang malaking tanong na nga lang ay kung magiging katanggap-tanggap ang mga argumento ng Napolcom tungkol sa “sin of omission” dahil sa magiging implikasyon nito sa buong kapulisan.
Kung magiging doktrina ito sa Napolcom at sa PNP, madali na lang magparatang sa mga opisyal at miyembro ng PNP na protektor ng mga iligal na gawain gaya ng droga, robbery, kidnapping at iligal na sugal dahil kung nagpapatuloy ang mga ito ay nangangahulugang walang ginagawa ang mga lokal na pulis na ang ibig sabihin ay guilty sila ng “sin of omission”.
Ano kaya ang masasabi ng kapulisan sa oras na maging doktrina ito ng Napolcom at ipapatupad sa PNP?