Matapos pagsabihang ‘pokpok’ si misis, kulong ang inabot ng isang mister matapos ipahuli ng kanyang anak sa Pres. Quirino Street, Barangay IVC, Marikina City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nahaharap sa kasong RA 9262 o Physical Abuse at Resistance and Disobedience ang mister na si Jayson Dauis, 38, tricycle driver.

Nag-ugat ang pagkakulong kay Dauis makaraang magtungo sa Marikina Police PCP-2 ang isang menor de edad na anak ni Nerie, 36, frozen good vendor, dahil sa binubugbog umano ang kanilang ina.

Naganap ang insidente bandang alas-10:15 Martes nang gabi sa loob ng kanilang bahay nang magtalo ang mag-live in dahil umano sa selos.

Lasing umanong umuwi ang suspek at kinompronta ang kinakasama makaraang makasagap ng tsismis na nakikipagrelasyon umano sa iba si misis.

Ayon sa suspek, “Pokpok ka, pumunta ka na lang sa Olandes at magpakangkang ka na lang sa mga tiyuhin mo sa taasan, ‘wag kang lalabas ng bahay sasaksakin kita at papatayin kita.”

Nauwi sa sakitan at murahan hanggang sa hindi na makatiis ang anak kaya nagtungo na ito sa kalapit na PCP-2 at inireklamo ang ama. (Vick Aquino)