Mga ka-Misteryo isang kuwentong karanasan ang ipinagtapat sa #TeamMisteryo ng isang lalaking clairvo­yant nang minsang sugurin siya at saktan ng isang matandang babaeng multo.

Iyan ang a­ting paksa ngayon: “Basta may Misteryo, alamin natin ang totoo!”

Nagbakasyon sa Aklan si Ronilo para mabisita ang mga kaanak na matagal na niyang hindi nakikita.

Tulad ng naka­gawian, masaya ang kanyang mga pinsan na makita siya lalo na at makakasama si Ronilo sa kanilang pamamasyal.

Dinaanan muna ni Ranilo at kanyang mga pinsan ang bahay ng isang kaibigan. Nakatayo siya sa gilid ng sala habang hinihintay ang paglabas ng kaibigan nang biglang may sumakal sa kanya.

Nu’ng una ay ina­kala lang niya na isa sa kanyang mga pinsan ang sumakal sa kanya pero hindi na siya nakapagtanong at nakakilos sa sobrang higpit ng pagkakasakal sa kanya.

Hinawakan ni Ronilo ang kamay na nakasakal sa kanya at makulubot na payat ang braso at naramdaman din niyang isa itong matandang babae.

Pilit na nagpumiglas si Ronilo pero sobrang higpit ng pagkakasakal sa kanya halos malagutan na siya ng hininga.

Nang tanungin ng #TeamMisteryo kung ano ang mga sumunod na nangyari:
Team Misteryo: “Paano ka kumalas sa pagkakasakal?”

Ronilo: “Hinatak ko ang kamay na sumasakal sa akin at ubos lakas kong ginawa. Pero nang makakalas ako…”

Team Misteryo: “Anong sumunod na nangyari?”

Ronilo: “Kinalmot niya ang braso ko gusto niya kong saktan kaya’t nasugatan ako bigla akong natumba, nagpambuno kami sa sahig ng lumang bahay.”

Team Misteryo: “Hindi ba narinig ng kaibigan mo ang nangyayari?”

Ronilo: “Nabigla at nagtaka sila nang makita akong nakahiga at nagpupumiglas. Hindi nila nakikita ang matandang babae.”

Nakakalas si Ronilo sa kamay ng matanda at biglang naglaho. Patunay na isa ngang multo ang nakasagupa ni Ronilo. Natukla­san niyang laging inaatake ng multo ng matandang babae ang sinumang bago sa na­turang lugar. Multo man ay kaya nitong saktan ang mga taong makakaranasan at nakakakita.

***

Para sa inyong mga kuwentong karanasan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsiba­yan.com at abante.com.ph.