Tatanggap ng halos P2.3 bilyon ang mga lalawigang sinalanta ni Bagyong ‘Tisoy’ bilang paunang bayad mula sa malikhaing Risk Insurance plan na kinuha ng pamahalaan.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, na ang tanggapan ay tumulong sa pagsusuri at pagsuma ng mga dapat bayaran.

Ang Bikol na pinakamatinding sinalanta ni Tisoy ay maaaring agarang tumanggap ng paunang P740 milyon na maaaring umabot sa P1.9 bilyon batay sa “full trigger basis”.

“Umabot ng 10 araw ang pagsuma ng dapat paunang bayaran ng kompanya ng siguro na umabot ng P163M para sa Albay. Babayaran ito ng kompanya sa ‘National Treasury’ na siya namang maglalaban ng pondo sa mga sinalantang lalawigan,” paliwanag ni Salceda.

Binigyang-diin ni Salceda ang kahalagahan ng agarang pagbayad ng kompanya para sa rahabilitasyon upang maiwasan ang ‘liquidity trap’ na lalong nagpapahirap sa mga sinalantang pamayanan habang naghihntay na matapos ang mahabang pro­seso ng pagsuma sa halaga ng mga kasiraang iniwan sa kanila na lalo pang tumitindi habang tumatagal.