Patay ang isang ginang matapos malunod nang tumawid sa rumaragasang ilog sa Rosario, Pangasinan noong Miyerkoles nang umaga.
Kinilala ng Rosario Police Station (RPS) ang biktima na si Maribel Mabalot, ng nasabing bayan.
Sa report ng RPS, pinasyalan umano ng biktima ang kanyang mister sa kanilang bukid.
Pag-uwi ng biktima, tumawid ito sa rumaragasang ilog at dahil sa lakas ng agos ay naanod ito.
Sinabi ng RPS na sinubukan pa umanong saklolohan ang biktima ng isang residente, pero sa lakas ng water current, nakabitiw umano ang biktima at hindi kinaya ang agos ng ilog.
Natagpuan ang katawan ni Mabalot matapos ang dose oras. (Allan Bergonia)