Nilinaw ng pulisya ang mga ulat hinggil sa diumano’y pagtaga ng isang lalaki sa kanyang barangay chairman dahil sa kabiguang mabigyan ng quarantine pass, sa San Pablo City Laguna Martes nang umaga.
Sa pahayag ni P/SMS. Jessie Salado, sinabi nito na kabilang sa motibong tinitingnan sa pananaga ng suspek na si Pablito Hernandez, 45-anyos, sa biktimang si Larry Rosales, 57, barangay chairman ng Barangay Sta Ana, ay ang dating pagkakasangkot nito sa iligal na droga.
Tinanggi ni Salado na ang dahilan ng pagpatay ay kabiguan na hindi mabigyan ang suspek ng quarantine pass at ng social amelioration card.
“Ito po ay pawang kasinungalingan. Sa amin pong pag-iimbestiga, lumalabas mismo sa suspek na ang sinasabi niya kaya niya nataga si chairman ay binababoy diumano ‘yung kanyang pamilya at pinagsabong-sabong niya ang mga babae sa barangay,” sabi ni Salado.
Pero dagdag niya, “Vina-validate ko po ‘yung kanyang sinasabi, ay hindi po totoo ‘yun. Bagkus ito pong taong ito ay tuwing nakainom at naka-take ng droga, sinasabi niya na may ugnayan o relasyon itong si chairman. ‘Di naman po totoo ‘yun dahil unang-una si chairman hindi ganoon ang pagkatao.”
Ayon sa opisyal, posibleng naging paranoid lang umano ang suspek.
Tanging motibo umano ng krimen ay ang lihim na galit ng suspek sa biktima.
“Noong naglista ng tokhang ang PNP isinama ito ni chairman kasi nga ito’y sangkot sa, ito’y drug addict. Sinama ni chairman despite na siya’y inaanak sa kasal,” sabi ni Salado.
Giit ng opisyal, huwag umanong maniwala sa ibang mga lumalabas na motibo.
Humiling din umano ang pamilya ng biktima na tigilan na ang pagpapakalat ng video ng pananaga sa kanilang padre de pamilya.
Banta pa ng pulisya, may kaparusahan na maipapataw sa mga nagpo-post ng pekeng impormasyon.