Sasampahan ng kasong cyberlibel ng Philippine National Police (PNP) ang isang pastor matapos umano mag-post sa kanyang Facebook account ng maling impormasyon na mayroon umanong dalawang tao ang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng Veruela, Agusan del Sur.

Kinilala ni Police Lt. Col. Ronald Baiño, hepe ng Veruela Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si Michael Perez Gumonit, pastor ng International One Way Outreach Foundation Inc., na matatagpuan sa Barangay Binongan ng bayang ito.

Base sa post ni Gumonit sa kanyang Facebook account, mayroon umanong dalawang nagpositibo sa COVID-19 sa Barangay San Gabriel at Santa Emelia ng nasabing bayan na ikinabahala ng mga residente doon.

Sa ginawang pag-iimbestiga ng Local Government Unit (LGU) ng Veruela, lumalabas na mali ang impormasyon at fake news ang post ng pastor dahilan upang ipag-utos ng pamunuang bayan ng Vereula sa pulisya ang pagkilos at pagsampa ng kaukulang kaso laban kay Gumonit.

Samantala humingi na naman ng public apology ang pastor at inako ang kanyang kasalanan subalit sa kabila nito ay nahaharap pa rin ito sa kaukulang kaso dahil sa kanyang ginawa at nakatakda itong arestuhin sa paglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

Ayon naman kay Police Brig. General Joselito Esquivel Jr., Police Regional Director ng Caraga, snampahan ng kasong violation for article 154, Revised Penal Code o “Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances” concerning Section 6 ng Anti-Cybercrime Law.

Sinabi ni Agusan Del Sur Governor Santiago Cane Jr. na kung ang isang nagpapakalat ng fake news ay papatawarin matapos mag sorry, hindi na umano matatapos at magiging paulit-ulit na lang ang mangyayari kaya kinakailangang masampahan ng kaso ang nasabing pastor.(Edwin Balasa)