Kinasuhan na si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas at 18 pang opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa paglabag sa quarantine protocol nang ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa kanilang headquarters.

Isinampa ng PNP-Internal Affairs Office nitong Biyernes, Mayo 15, sa Taguig City Prosecutor’s Office ang mga kasong paglabag sa City Ordinance No. 12 series of 2020 na nag-uutos ng pagsusuot ng face mask at physical distancing, at Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Limang police general pa ang kasama ni Sinas sa mga kinasuhan. Kabilang dito sina Brigadier Generals Nicolas Bathan, Florencio Quibuyen, Florencio Ortilla, Gerry Galvan, at Ildelbrandy Usana.

Kasama rin sina Colonels Eliseo Tanding, Remus Medina, Raul Tacaca, Emmanuel Peralta, Tomas Frias, Rodel Pastor, Ferdinand Ortega, at Manuel Abrugena: Lt. Col. Orlando Carag Jr.; Majors Epream Paguyod at Britz Sales; at sina Corporal Abdumar Bakil at Bernie Lazaga.

Samantala, sa isinumiteng report ng tanggapan ni PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo kay PNP Director General Archie Gamboa nakasaad na ang nasabing pagtitipon para sa kaarawan ni Sinas ay isang administrative offense rin.

Una nang humingi ng paumanhin si Sinas sa nasabing insidente na ginanap sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City subalit itinanggi nito na birthday party iyon.

Ayon kay Sinas, `mañanita’ ang isinagawa ng mga kasamahang police official para sa kanyang kaarawan. Sinabi pa nito na edited ang ilang litrato na kumalat sa social media.

Nakasaad pa sa isinampang kaso ng PNP-IAS sa Taguig City Prosecutor’s Office na kabilang sa kanilang mga ebidensiya ay ang mga sumusunod:

*Proclamation No. 922 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa buong Pilipinas.

*Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One At

*Republic Act No. 11322/Executive Order 112 o kilala rin bilang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act na inaprubahan ni Pangulong Duterte noong Abril 26, 2019.

*Ordinansang ipinasa ng Taguig City para sa pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar sa nasabing lungsod.

*Mga litratong nag-viral sa social media kung saan makikita ang mga NCRPO personnel sa isang social gathering na walang mga suot na face mask at hindi sumusunod sa social distancing.

Kasama rin sa mga isinumite ng PNP-IAS ang mga nakuhang affidavit mula sa isinagawa nilang imbestigasyon.