Sinas pangungunahan ang bawas timbang ng matatabang pulis

Pangungunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas ang pagbabawas ng timbang ng mga overweight na pulis.

Ayon kay Sinas, siya ang magiging ‘model’ ng mga pulis na overweight o hindi normal ang body mass index (BMI), dahil mismong ang opisyal ay nabibilang sa nasabing grupo.

“Actually ako ang target nilang maging model eh, ang gagawin namin next week launch po namin target reduction of BMI”, pahayag ni Sinas sa isinagawang press briefing kahapon sa NCRPO annex sa Kamuning, Quezon City.

Bibigyan umano ng dalawang buwan ang mga overweight na pulis para makapagbawas ng timbang. Sa National Capital Region naman ay magbibigay ng mga lecture at mga ehersisyo sa mga matatabang pulis ayon pa kay Sinas.
Sakaling wala pa ring pagbabago matapos ang dalawang buwan ay ipapasok ni Sinas sa summer camp ang mga bigating pulis.

“Pagka-February at March, walang substantial reduction merong summer camp kung sino obese iipunin stay-in,” dagdag ng opisyal.

Libre naman umano ang pagkain sa loob ng summer camp pero puro gulay ang kakainin nila sa loob, at sa gabi ay kinakailangan nilang sumali sa ballroom exercise, saad pa ni Sinas.

Ayon kay Sinas, mayroong 700 pulis ang nasa obese class 2 at 3 at sa kalahatan ay mayroon umanong 3,000 hanggang 4,000 obese at overweight na pulis ang nasa NCRPO sa ngayon. (Edwin Balasa)