Sinas sa pulis-Taguig: Sumuko ka na!

“Sumuko ka na!”

Ito ang panawagan kahapon ni National Capital Region Police ­Office (NCRPO) Director Police Maj. Gen. Debold Sinas sa isang tauhan ng Taguig Police matapos mangotong ng P35,000 at nagawang makatakas sa ikinasang entrapment operation nitong Lunes ng gabi sa Taguig City.

Kinilala ni Sinas ang suspek na si Police Cpl. Hadzmer Amer, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police Station.

Sa report, humingi ng tulong ang isang alyas Jhona sa Regional Special Operations Group ukol sa panghihingi umano ni Amer ng P35,000 para palayain ang live-in partner na dinakip dahil sa iligal na droga.

Ikinasa ang operasyon dakong alas-11:32 ng gabi sa may Gen. Luna Street, Barangay Tuktukan.

Matapos maiabot ang marked money, nakahalata na si Amer sa mga paparating na mga pulis kaya nagawa niyang makatakas.

Nanawagan naman si Sinas kay Amer na sumuko upang maibigay ang kanyang panig at upang hindi na lumaki ang kasong kakaharapin.

Samantala, inihahanda naman ng Taguig City Police ang kasong robbery extortion laban kay Amer sa Taguig City Prosecutors Office. ­(Armida Rico)