Sinas sinibak 5 police escort ni Zamora

Tinanggal sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas ang limang police escort na kasama sa convoy ni San Juan City Mayor Francis Zamora na lumabag sa quarantine protocol sa Baguio City.

Inihayag ng opisina ni Sinas na inutos nitong ilipat ang limang hindi pa pinangalanang pulis sa NCRPO Regional Personnel Holding and Accounting Unit habang iniimbestigahan ang insidente.

“I will not condone any wrongdoing of our police officers in the implementation of the community quarantine protocols, if held responsible,” sabi ni Sinas.

Bilang mga alagad ng batas anya, tungkulin nila na respetuhin ang mga patakaran saan mang lugar sa Pilipinas at parating prayoridad ang kaligtasan ng mga tao.

Kailan lang ay nasangkot din si Sinas sa isyu ng paglabag sa quarantine protocol matapos ipagdiwang ang kanyang kaarawan kasama ang ilang police official sa NCRPO headquarters pero sinabi nito na isang tradisyonal na mañanita ang ginawa nila.