Sindikato, mga kawatan nagkalat sa BOC – Duterte

Mainit pa rin ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa talamak umanong katiwalian.

Sinabi ng Pangulo na hindi siya titigil hangga’t hindi nalilinis ang ahensiya laban sa mga tiwali at mga nakikipagsabwatan sa sindikato.

Sa Cabinet meeting kagabi, ipinarating sa Pangulo ang nakatakdang pagsalang sa masu­sing training ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may technical expertise para sa pagbabantay sa mga x-ray machine sa mga pantalan.

Pinag-aaralan na ng Pangulo ang mungkahi ni dating Customs Chief Isidro Lapeña na pagbili ng mga bagong x-ray machine para matutukan ang lahat ng port sa bansa.

Uminit ang ulo ng Pangulo dahil sa hindi pa rin natutukoy ang pinagdalhan sa nakapuslit na tone-toneladang shabu noong nakalipas na ilang buwan.

“Maraming kawatan doon. Hindi na natapos karaming sindikato diyan. Maraming yumaman diyan. Lahat diyan, sinasabi ko. Kaya sabi mo to be selective.

“Ngayon, baka sabihin ni Duterte kawatan kami, lahat hindi ano. Eh p***** i**, eh bakit maraming lumusot na ganu’n kalaki?” anang Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na ang iligal na droga na ang nangungunang banta sa pambansang seguridad.
Patunay dito ang mga nangyaring karu­mal-dumal na krimen, pati na ang negatibong ­epekto nito sa ekonomiya at sa koleksiyon sa buwis.