Dito na nagsimula ang pag-TUGIS ng mga pulis sa mga dayuhan hanggang makatanggap sila ng impormasyon na sa mismong loob din ng Okada Resort and Casino Manila ipiniit ng kanyang mga kababayang Chinese national si Dong na apat na araw ng nawawala.

Nagsagawa kaagad ng pagpa-plano sina Senior Supt. Rosete upang masagip ang dayuhan mula sa kamay ng mga kidnapper kasama ang mga tauhan ng Parañaque Police Community Precinct (PCP) 2 na nakakasakop sa lugar.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng naturang casino hotel, pinasok ng mga awtoridad ang Room No. 1832 na inookupa ng mga suspek dakong alas-12:30 nang tanghali at dito naabutan ang mga suspek at ang biktima na may palatandaang pinahirapan habang nakapiit sa naturang silid.

Kinilala ni SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario ang mga nadakip na suspek na sina Chen Jing Nun, 32; Zhang Zhen Qing, 35; at Chuan Fang, 37; na pawang walang maipakitang dokumento at passport kaugnay sa pa­nanatili nila sa bansa.

Inaalam din ng kapulisan ang iba pang mga naging kliyente ng mga nadakip na dayuhan na lulong sa pagsusugal sa casino na posibleng dinukot din at puwersahang siningil sa pagkakautang.

Kaagad ding nakipag-ugnayan sa Chinese Embassy ang awtoridad upang ipabatid ang pagkakadakip sa mga dayuhan na sangkot sa pagdukot sa kanilang kababayan bago sila sinampahan ng kasong illegal detention ay serious physical injury sa Parañaque City Prosecutors Office
Ayon kay Parañaque police chief Senior Supt. Victor Rosete, hindi lang ang insidente ng pagkakadakip sa tatlong dayuhang Chinese national ang naganap sa kanilang lungsod ng kasalukuyang taon dahil una rito’y nasagip din nila ang tatlo pang dayuhang Chinese na dumukot naman sa isang Taiwanese national noong Enero 7.

Si Lat Yun Chun, 38, ay dumating sa bansa noon pang taong 2016 at nakahanap ng matatag na hanapbuhay sa isang malaking kompanya sa Taguig City.

Bukod sa salaping ipinadadala sa kanya ng kanyang mga kaanak mula sa Taiwan, malaki rin ang kanyang kinikita sa pagtatrabaho sa bansa hanggang sa matuto siyang magsugal sa malalaking casino sa Parañaque city matapos umupa ng isang silid sa Crown Bay Hotel sa Barangay Tambo.

Una’y naging libangan lang ni Chun ang pagsusugal hanggang sa tuluyan na siyang nahumaling sa pagsusugal sa mga casino sa pagnanais na mabawi ang malaking salapi na kanyang naipatalo.

Dito na niya tuluyang napabayaan and kanyang trabaho at hindi na naging produktibo hanggang dumating ang pagkakataon na binigyan na siya ng babala ng employer upang iwasto ang trabaho subalit dahil patuloy pa rin sa pagpapabaya, tuluyan na siyang binigyan ng walking paper sanhi ng kawalan ng interes sa kanyang trabaho.