Natuklasan din sa rekord ng pulisya na noong Agosto 27, 2017 nadakip na rin nila si Zhao Xu matapos gumawa ng kaguluhan at mag-eskandalo sa isang casino sa Parañaque City.

Mga kasong serious­ illegal detention na isang non-bailable offense at physical injury ang isinampa ng pulisya­ laban sa mga dayuhan sa Parañaque City Prosecutor’s Office matapos silang maki­pag-ugnayan sa Chinese Embassy upang ipabatid ang pagkakadakip sa tatlo.

Batid ng kapulisan na hindi rito matatapos ang paghahanap ng mga financier sa casino na uudyukan nilang umutang kapalit ng ma­laking tubo at dudukutin at pahihirapan kapag hindi nakabayad.

Gayunman, tiniyak ni Chief Supt. Tomas Apolinario at Senior Supt. Leon Victor Rosete na hindi sila titigil hangga’t hindi nila nahuhuli ang pinaka-ulo ng sindikato na nagbibigay ng puhunan sa mga nalululong sa casino.

Bagama’t napilayan na ng kapulisan ang grupo ng sindikato bunga ng sunod-sunod na pagkakadakip sa mga dayuhang miyem­bro nito, may posibilidad na muli silang magpalakas lalo na’t gumaganda ang takbo ng industriya ng mga casino sa bansa at dumarami ang mga dayuhan na sa halip na magtungo sa mga bantog na bansa tulad ng Macau at Las Vegas ay sa Pilipinas sila nakikipagsapalaran magsugal sa mga malalaking casino.

Kung inaakala ng mga miyembro ng sindikato na magiging maayos na muli ang kanilang operasyon, nagkakamali kayo dahil uulitin ko, sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon ka­yong makapagtatago. Tandaan ninyo, walang krimen na hindi pinagbabayaran.