Matapos ang maik­ling pagpupulong, ka­agad din lumakad ang grupo ng CIDG patungo sa sinasabing address ng consignee na si Leo Mendieta sa 20 Regina Drive, Dona Juliana Subdivision Bacolod City.

Bagama’t natunton ng grupo ng mga awtoridad ang Dona Juliana Subdivision, wala naman silang makitang lansangan na Regina Drive kahit naikot na nila ang kabuuan ng lugar. Dito na sila nagpasiyang magtanong sa isa sa mga residente sa lugar na nagkum­pirma sa kanila na walang kalye Regina Drive sa loob ng kanilang subdivision.

Gayunman, itinuro sila ng mga residente sa katabing Villa Celia Subdivision na siyang kinaroroonan ng sinasabing Regina Drive. Napag-alaman din ng grupo na ang Dona Juliana Subdivision at ang Villa Celia Subdivision ay parehong nasa Brgy. Taculing

Walang inaksa­yang panahon sina Supt. Silvio at Chief Insp. Villanueva at kaagad silang nagtungo, kasama ang buong team, sa nasabing subdivision at dito nila natunton ang tamang lugar sa Blk. 4 Lot 20 Regina Drive.

Sa surveillance ope­ration, namataan ng mga awtoridad ang dalawang sasak­yang nakaparada sa loob ng garahe ng bahay, isang silver Toyota Vios at isang silver Chevrolet. Napag-­alaman na ang Toyota Vios na may plakang FFT-917 ay nakare­histro sa isang Arnulo Nicer Napulan ng IRR Village, Perez Hiway, Kabankalan, Negros Occidental habang hindi naman natukoy kung sino ang nagmamay-ari ng isa pang sasakyan.

Alas-3:30 na ng ha­pon nang magtu­ngo ang grupo nina Supt. Silvio at Chief Insp. Villanueva sa Brgy. Masinlingan sa Bacolod City pa rin upang tugaygayan ang naturang lugar na ibinahagi sa kanila ng kanilang hawak na impormante.

Matapos mapag-aralan ang lugar, tumulak na ang grupo patungo sa tanggapan ng Atlas Shippers International Inc. na matatagpuan sa Chapel Village, Brgy. Tangub upang kausapin ang tumatayong babaing manager ng kompanya at kumuha na rin ng iba pang dokumento na may kinalaman sa usapin.

Sa naturang pana­yam ng mga awtoridad sa tumatayong manager, kinumpirma niya na ang balikba­yan box na ipinadadala sa pamamagitan ng kanilang kompanya ay parehong nakapangalan kina Leo Mendieta at Jane Clarida subalit kinukuha ito ng iisang tao na nagngangalang Michael Modesto.

Nagbigay pa ng la­­rawan ni Modesto ang manager ng kompanya na nasa aktong kinukuha ang kahon bagama’t ang iba pa nitong larawan ay naipadala na nila sa kanilang tanggapan sa Maynila habang ang iba pang dokumento ay hindi na rin nila maibahagi sa grupo dahil lumipas na ang halos dalawang taon sa magkakasunod na transaksiyon.(Sundan bukas)