Kinabukasan, Agosto 3, 2016, kasama na ng grupo ng CIDG ang isa sa may-ari ng Atlas Shippers Inc. na si Alex Menez nang magtungo sa Block 10, Lot 45, Marigold St. Phase 3 Menlo Subdivision, Zone 10, Talisay City, Negros Occidental upang makumpirma ang tirahan ni Jane Claridad, ang posibleng kaanak ni Maiko Claridad na nagpapadala ng kontrabando mula Estados ­Unidos.

Natunton ng mga awtoridad ang Blk. 10 Marigold St. Phase 3, Menlo Subdivision subalit walang Lot 45 sa naturang subdivision dahil mula Lot 1 hanggang Lot 18 lamang ang address dito na kinumpirma mismo ng mga residente.

Nagpasya ang grupo na magtungo sa tanggapan ng Social Security System (SSS) sa Bacolod City upang suriin ang ibinigay na SSS Identification card nina Claridad at Mendieta na kanilang iprinisinta sa Atlas Shippers bilang mga consignee.

Dito nila natuklasan na ang SSS ID Number na 07-1745219-0 ni Mendieta at ang SSS ID Number ni Claridad na 07-1831445-7 ay pawang mga palsipikado at walang anumang rekord sa naturang ahensiya ng pamahalaan habang ang siyang kumukuha ng pakete na si Michael Millanena Modesto ay nagbigay ng dokumentong nagpapatunay na isa siyang kawani ng Adventist Medical Center sa ­Bacolod City.

Noon ding araw na iyon, dakong alas-tres ng hapon, nagtungo sa naturang pagamutan ang mga operatiba ng CIDG, kasama ang pamangkin ni Mr. Menez na isa sa kanilang informant upang alamin kung doon pa nagtatrabaho bilang kawani si Modesto.

Mismong ang pamangkin ni Mr. Menez ang nagtungo sa Human Resource Office ng Adventist Medical Center upang alamin ang status ng employment ni Modesto at dito nila natuklasan na walang empleyado, maging regular, casual o contractor man lang, na nagtatrabaho o nakapag-trabaho sa naturang pagamutan na lumilingon sa ganoong pangalan.

Natuklasan din ng pamangkin ni Mr. Menez na noong taong 2012, may Michael Modesto na naratay sa naturang pagamutan bagama’t hindi na nakuha pa ang ibang detalye kaugnay sa kanyang katauhan.

Bunga ng mga nakalap na impormasyon kaugnay sa pamemeke ng mga mahahalagang dokumento ng mga consignee kaugnay sa tunay nilang katauhan pati na rin ang kanilang mga tirahan, iniutos ni CIDG Director Victor Deona ang pagsasagawa ng police operation at pag-TUGIS sa mga suspek.

Kaagad na nakipag-ugnayan sina Supt. ­Silvio at Chief Insp. Villanueva kay Chief Insp. Ariel ­Artillero ng CIDG Negros Occidental upang siyang mamahala sa wastong koordinasyon sa iba pang law enforcement agency ng naturang lalawigan upang maging maayos at maging matagumpay ang isasagawang operasyon.

Nagsagawa muna ng huling briefing ang grupo dakong alas-8 ng umaga, Agosto 6, 2016 bago isagawa ang police operation laban kina Michael Modesto at Leo Mendieta sa mismong tanggapan ng Atlas Shippers sa Barangay Tangub kung saan nagpanggap na errand boy ang tatlo sa mga operatiba ng CIDG habang ang iba naman ay naka-posisyon na sa lansangan ng Araneta Street.

Dakong alas-11 bago mananghali ay dumating ang isang silver Toyota Hilux pick-up na may conduction sticker ng YX-7469 at pumarada sa harap ng tanggapan ng Atlas. Bumaba sa naturang sasakyan si Michael Modesto habang naiwan sa driver’s seat si Leo Odio Mendieta.

Nang tanggapin ni Modesto ang kahong pinaglalagyan ng kontrabando na kanilang idineklarang naglalaman ng mga de-lata, damit at iba pang produkong may expiration date, kaagad niyang inutusan ang isang tauhan ng CIDG na nagpapanggap na errand boy na buhatin ito sa kanilang sasakyan.
Habang nasa sasakyan, binuksan ni Modesto ang kahon upang suriin ang laman habang bumaba na rin sa naturang sasakyan si Mendieta upang tingnan kung nasa maayos na kondisyon ang mga kontrabando.

Nang mapuna ng mga operatiba ang baril na nakasukbit sa beywang ni Mendieta, dito na sila kumilos upang dakpin ang dalawa. Tinangka pang bumunot ng baril at lumaban ni Mendieta subalit pinili niyang sumuko na lang nang matuklasang nakapaligd na pala sa kanila ang mga tauhan ng CIDG, pati na ang napagkamalan nilang mga errand boy ng kompanya.
Nakuha kay Mendieta, na ang tunay na pangalan ay Bryan Constantino Ta-ala, ang isang Glock 9mm pistol, dalawang magazine na may 29 na bala, dalawang extra barrel ng .9mm, iPhone 6S, P21,760., pitong ATM cards, lisensiya at PRC Veterinarian ID habang nakuha kay Modesto na ang tunay na pangalan ay Wilford Palma ang isang iPhone 5S.
Sa pagsisiyasat, natuklasang naninirahan sa Blk 24, Lot 30 Estancia Village, Mandalagan, Bacolod City si Ta-ala at siya ring nagmamay-ari ng Ta-Ala Farm habang naglilingkod naman sa kanya bilang clerk si Palma na nakatira naman sa Hacienda Lizares, Brgy. Cabug, Bacolod City.

Kinumpiska rin ng CIDG ang laman ng kahon na kinabibilangan ng mga mamahaling piyesa ng iba’t-ibang uri ng matataas na uri ng armas pati na ang Toyota Hi-Lux pick up na pawang dinala sa Negros Occidental CIDG Office sa Camp Alfredo M. Montelibano St. Brgy. Estefania sa naturan ding lungsod.

Kinabukasan, Agosto 7, 2016, dakong alas-7 ng umaga nang isugod si Bryan Ta-ala sa Dr. Pablo O. Torre Memorial Hospital makaraang makaranas umano ng matinding hypertension. Sumunod sa naturang pagamutan sina Supt. Silvio at Chief Insp. Villanueva upang alamin ang kalagayan ng suspek.

Hiniling ng dalawang opisyal sa attending physician at sa pamunuan ng naturang pagamutan na payagang makalabas ng pagamutan si Ta-ala upang maisama na nila sa kanilang paglipad dakong alas-9:45 ng umaga patungong Maynila lalu pa’t may sapat namang kagamitan ang ospital sa Camp Crame para sa mga dumaranas ng hypertension.

Tinanggihan ito ni Dr. Jade Paul Moril, ang attending physician, at iginiit na kailangang ma-admit sa intensive care unit ng kanilang ospital ang suspek lalu na’t hindi nito kayang bumiyahe dahil sa maselang kondisyon ng kalusugan kaya’t si Palma lamang ang naisama ng mga otoridad pabalik ng Maynila.

Agosto 8, 2016 nang isalang sa inquest proceedings si Palma sa Department of Justice (DOJ) kung saan nagsilbing tagausig si Michael Vito Cruz. Tumayo bilang abogado ni Palma si Atty. Maria Elisa Jonalyn Barquez ng Public Attorney’s Office (PAO) at dito niya isiniwalat ang tinatanggap niyang pagbabanta, pati na ng kanyang pamilya mula kay Ta-ala sa tuwing uutusan siyang kumuha ng kahon ng kontrabando sa Atlas Shipper.

Ayon pa kay Palma, mahigpit ang tagubilin sa kanya ni Ta-ala na kung sakali at masakote sila ng mga otoridad sa iligal na gawain, aminin niya ang lahat ng pagkakasala at huwag na siyang magturo kung ayaw niyang mamatay at maubos ang buo niyang pamilya.

Bunga ng mga isiniwalat ni Palma, tinanggap ng tagausig ang hiling ng kanyang abogado na isailalim siya sa Witness Protection Program (WPP) upang tumestigo laban sa itinuturong utak ng nangyayaring arms smuggling sa bansa.
Natuklasan din ng CIDG na ibinebenta ng sindikato ang armas at piyesa sa pamamagitan ng paggamit sa social media, tinatanggap ang bayad sa pamamagitan ng paghuhulog sa iba’t ibang bangko at ipinadadala ang armas na nabili sa pamamagitang ng courier service.

Sa mga naka-transaksiyon ng sindikato, 28 rito ang mga rehistradong nagmamay-ari ng baril, 30 ang walang rekord na ligal na nagmamay-ari ng baril, siyam ang isinuko ang kanilang nabiling piyesa habang ang iba pa na kabilang sa 129 na personalidad na naka-transaksiyon ng sindikato ay hindi na nakilala.

Noong Nobyembre ng taong 2016, kusang sumuko sa mga otoridad si Ta-ala matapos ang panahong pamamalagi niya sa pagamutan makaraang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya. Pinawalang bisa rin ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang mga lisensiya ng 12 iba’t-ibang uri ng baril na nakapangalan sa kanya na pawang mga napaso na habang isinasailalim pa sa imbestigasyon ang mga taong kanyang naging ka-transaksiyon o napagbentahan ng mga ipinuslit na armas at piyesa.

Sa panig naman ni Assistant State Prosecutor Peter Ong, ngayon lamang nangyari na may taong nadakip ang mga otoridad na sangkot sa arms smuggling dahil palaging mga armas lamang ang nakukumpiska sa tuwing may magtatangkang magpasok ng kontrabando sa bansa habang nakakaligtas ang mga salarin. Minsan na raw may nahuling Pinoy na sangkot sa arms smuggling subalit hindi ito nangyari sa Piipinas kundi sa ibang bansa.

Idinugtong pa ng tagausig na mas malawak ngayon ang probisyong nakasaad sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kung saan kabilang sa mga mapapatawan ng mabigat na kaparusahan ang arms smuggling.
Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pagtugis ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran