May kasabihan na matalino man daw ang mat­sing, napaglalalangan din. Sa ganitong kasabihan inihambing ni Chief Insp. Michael John Villanueva, Intelligence & Operation officer ng Major Crimes Investigation Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang ginawa nilang pagdakip sa itinuturong lider ng sindikatong nagpapasok ng iba’t ibang uri ng mga armas at piyesa ng malalakas na uri ng baril sa bansa noong taong 2016.

Naging masigasig ang mga tauhan ng CIDG sa pamumuno ni Supt. Randy Glenn Silvio, ang officer-in-charge (OIC) ng Intelligence Division sa pagdakip sa umano’y pinakautak sa ginagawang pagpaparating ng mga mamahaling baril at piyesa ng malalakas na uri ng armas mula sa ibang bansa matapos makatanggap ng impormasyon sa mismong shipper na Atlas Shipping Management Inc.

Batay sa impormasyong nakalap ng CIDG, halos umaabot na sa 10-transaksiyon ng kontrabando ang ipinarating sa pamamagitan ng naturang shippers ng sindikato bago nagkaroon ng hinala ang kompanya sa iligal na laman ng balikbayan box nang minsan ay hindi sinasadyang magkaroon ng butas ang karton at lumawit ang isang piyesa ng baril.

Bunga ng naturang impormasyon, nakipag-ugnayan na ang CIDG sa Homeland Security Service ng Estados Unidos at Bureau of Customs (BOC) bilang pagsisimula ng imbestigasyon sa nagaganap na arms smuggling sa bansa

Dito na ibinahagi ng Homeland Security Service at BOC ang nakalap nilang impormasyon sa CIDG matapos nilang matukoy na galing nga ang mga armas at mga piyesa ng baril sa kanilang bansa at ipinadadala patungong Bacolod City.

Natukoy sa impormasyon na isang Maiko Claridad ng 7325 Birch Street, Brea, California ang pangalang nakarehistro na siyang nagpapadala ng mga kontrabando na Pilipinas para sa isang Leo Mendieta na tumatayong consignee na may tirahan sa 20 Regina Drive, Dona Juliana Subdivision, Bacolod City, Negros Occidental.

Noong Hulyo 30 at Agosto 1 araw ng Sabado at Lunes, taong 2016, magkasunod na nagsagawa ng pagpupulong sa tanggapan ng CIDG sa Camp Crame ang mga opisyal ng Intelligence Division ng CIDG, kasama ang mga kinatawan ng USA Homeland Security Service, Bureau of Customs at Atlas Shipping Management na siyang ginagamit na shipping lines sa pagpupuslit ng mga kotrabando upang talakayin kung ano ang mga kinakailangang hakbang upang tuluyan ng matuldukan ang nagaganap na arm smuggling at mahuli ang sinasabing pinakautak nito.

Matapos ang pagpupulong, tumulak na patungong Negros Occidental ang mga operatiba ng CIDG at lumapag ang eroplanong kanilang sinakyan sa Silay-Bacolod Airport dakong alas-otso ng umaga. Pansamantala silang nanuluyan sa Grand Regal Hotel sa Bacolod City kung saan muling nagsagawa ng pagpupulong upang plantsahin ang ikinasang police operation.

Dakong alas-12:30 ng tanghali noong araw ding yun nang makipagkita kina Supt. Silvio at Chief Insp. Villanueva sa lobby ng hotel si Mr. Alex Menez, isa sa nagmamay-ari ng Atlas Shippers International Inc. upang makibahagi sa magaganap ng police operation at makapagbigay ng impormasyon sa naturang usapin. (Sundan bukas)