Inatasan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang lahat ng immigration officers nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na masusing siyasatin ang papeles at passport ng mga Vietnamese nationals na dumarating sa bansa upang masiguro na hindi kabilang ang mga ito sa mga biktima ng sindikato ng human trafficking.
“The Philippines should not only stop being a source of human trafficking victims. We must also not allow our country to be a destination for them,” sabi ni Morente.
Inilabas ang nasabing kautusan matapos matuklasan ng BI na ilang human trafficking syndicates ang nag-aayos ng papeles ng mga Vietnamese nationals para makabiyahe sa Pilipinas upang makapagtrabaho bilang manual laborers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Patunay aniya dito ang pagsuko 78 overstaying Vietnamese nationals kamakailan sa BI at ng Vietnamese embassy.
Sinabi ni BI spokesperson Atty. Tonette Bucasas-Mangrobang, na ang nasabing mga dayuhan ay umaming nagtungo sa Pilipinas para magtrabaho bilang household helpers, vendors, porters, karpintero at iba pa sa mga lalawigan ng Cagayan, Pangasinan, Bataan, Zambales, Batangas at Leyte.
Maliban pa dito na nasa 100 Vietnamese din ang sumuko sa BI na nagsabing mga indigents sila at nagpahayag ng kahandaang ipatapon pabalik sa kanilang bansa.