Singapore, ‘Pinas mag-BFF sa loob ng 50 taon

Naglabas ng joint commemorative stamp ang Pilipinas at Singapore upang ipagdiwang ang ika-50 taong anibersaryo ng kanilang mabuting pagkakaibigan.

Magkakasanib na inilunsad ang commemorative stamp ng d­alawang bansa nina Mr. Chee Wee Kiong, Permanent Secretary ng Ministry of F­oreign Affairs ng Singapore, Philippine Ambassador Joseph Del Mar Yap, PHLPost Chairman of the Board of Directors Norman Fulgencio, Singapore Post Senior Vice President Marjorie Ooi, IMDA Deputy Director Ruth Wong, at PHLPost Business Lines Department Manager, Maximo Sta. Maria.

Nagtungo sa Lion City sina PHLPost Chairman Norman Fulgencio at Sta. Maria para ibigay ang souvenir frame sa Singapore government.

Ginamit na simbolo ng Pilipinas at Singapore ang paruparo na nagpapakita ng kanilang katatagan, pagbabago, pag-asa at buhay.

Pinili ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) ang popular na Cethosia Luzonica o ‘Luzon lacewing butterfly’ bilang simbolo ng Pilipinas at Pachllopta aristolochiae or ‘common rose butterfly’ naman sa panig ng Singapore.

Inihalintulad ng dalawang bansa sa paruparo ang kanilang pagkakaibigan na lalong pinatibay at tumatag sa nagdaang limang dekada.

Nagsimula ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Singapore noong Mayo 16, 1969. Sabay din na naging miyembro ang dalawang bansa nang itatag ang Association of South East Asian Nations (ASEAN).

Umaabot sa 5,000 kopya ng special commemorative stamps na dinisenyo ng PHLPost In-house graphic artist na si Rodine Teodoro ang inilabas ng PhilPost at mabibili ito sa P114.00 kada isa. (Mia Billones)