tonite-no-thanks-cristy-fermin

Hindi lang nagtataka, windang na windang ang kanyang mga kaibigan sa mga pinagsasasabi ngayon ng isang singer-actor, kung saan siya nanggagaling ay hindi alam ng mga nakakarinig sa kanyang mga kuwento.

Ipinipilit kasi ng singer-actor na meron daw iniwanang ari-arian para sa kanya ang sumakabilang-buhay niyang manager. Wala naman siyang hawak na papel, hindi rin ‘yun alam ng mga taong malapit sa pumanaw na personalidad, kaya kung ano ang kanyang pinagbabasihan ay siya lang ang nakakaalam.

Kuwento ng aming source, “Ewan kung bakit ipinipilit niya na may ipinangako raw na property sa kanya ang manager niya. Malinaw raw ‘yun, nag-promise daw sa kanya ang manager niya na para sa kanya ‘yun.

“Siya pa nga raw ang pinamimili nu’n ng manager niya kung ano ang gusto niya. Resort ba, bahay o lupain na nabibili ng namatay niyang manager sa isang probinsiya sa South.

“Pero wala naman siyang maipakitang document na pirmado ng manager niya na sa kanya nga ang sinasabi niyang property. As in, wala, talagang wala!

“E, wala naman palang last will and testament na nagawa ang manager niya dahil biglaan ang lahat. Walang nag-iisip na mamamatay nang ganu’n kabiglaan ang manager niya.

“Natatawa na lang ang mga kasamahan niya sa pagke-claim ng male personality. Kahit sa mismong manager ng manager niya, e, ganu’n ang sinasabi niya.

“Isa lang ang sabi sa kanya nu’ng manager ng namayapa niyang manager, meron ba siyang hawak na patunay? Meron ba siyang notaryadong document na nagsasabing pinamanahan nga siya ng manager niya?
“E, wala. So talagang wala siyang makukuhang kahit anong property na pag-aari ng manager niya! Nakakaloka siya, ha? Ano ‘yun, kung makalulusot lang siya?” napapailing na pahayag ng aming source.

***

Willie tinanggihan si Kris

MATINDI ang panalangin ni Kris Aquino na sana’y bumuti na ang kanyang sitwasyon pagkatapos siyang atakihin nang matinding allergy para makadalo siya sa red carpet premiere night ng Crazy Rich Asians sa Hollywood.

Wala pa siyang tinatanggap na clearance mula sa kanyang mga doktor, mahirap na nga namang payagan siya, pero pagdating naman pala niya sa Amerika ay aatake na naman ang kanyang sakit.

Okey lang sana kung may kasama siyang doktor sa pag-alis niya, wala siyang dapat ikabahala dahil mabibigyan agad siya ng lunas nito kapag umariba ang kanyang allergy, ‘yun ang pinakaligtas na paraan para kay Kris.

Biro man o totohanan ay inimbitahan niya si Willie Revillame na samahan siya sa premiere night ng pelikula.

Hindi lang siya napagbigyan ni Willie dahil may taping ito para sa Wowowin.

Napakaganda nga naman sanang tingnan na ang dalawang poste nu’n ng ABS-CBN ay may natagpuan pa ring mundo sa labas ng network, pareho silang bumangon at nagtagumpay naman sa kani-kanilang linya ngayon, puwede nilang sabihin na success is the ultimate revenge.

Punumpuno na pala ang kalendaryo ni Kris Aquino hanggang sa mga unang buwan ng susunod na taon para sa kanyang mga endorsements. Pirmado na niya ang mga kontrata, isu-shoot niya na lang ang TVC,

milyones ang nakasaad na mga contracts niya kaya hindi na nakapagtataka kung bakit napakalaki rin ng binabayaran niyang buwis sa pamahalaan.

May kakambal pa ring suwerte si Kris Aquino sa kabila ng pagkawala niya sa ABS-CBN. Nagsarado man ang pintuan ng istasyon para sa kanya ay nagbukas naman ang bubong ng mundo para sa kanyang pagbangon.