Singer-actress ‘di maloloko sa pera

Singer-actress ‘di maloloko sa pera

DAHIL nagkakaedad na ang isang singer-actress ay palaging lumulutang ang kuwentong pera lang niya ang habol ng kahit sinong nakakarelasyon niya.

Magandang magdala ng relasyon ang female personality, hindi lantaran, masaya siya pero hindi niya ‘yun ipinagbabanduhan sa buong mundo.

Alam ng kanyang mga kaibigan na meron siyang karelasyon, pero sila-sila lang ang nakakaalam, very discreet ang babaeng personalidad pagdating sa kanyang personal na buhay.

‘Yung kuwentong pera lang niya ang habol ng kahit sinong makakarelasyon niya ay binabasag ng mga taong nakakakilala sa kanya mula ulo hanggang paa.

Napakaimposible raw mangyari nu’n dahil mahusay humawak ng pananalapi ang kilalang singer-actress. Nadadagdagan ang kanyang ipon pero bihirang-bihirang mabawasan dahil masinop siya sa kanyang pinaghihirapan.

Kuwento ng isang source, “Naku, hindi siya matutulad sa ibang personalities na maloloko sa pera. Hindi mo siya maaasahang sumigaw sa social media na naloko siya, hindi mangyayari sa kanya ‘yun!

“Hindi kasi siya nagdedesisyon nang padalus-dalos, pinag-iisipan muna niyang mabuti ang pinapasok niyang negosyo. Saka ayaw niya nang may kasosyo, mas gusto niyang solohin ang project.

“Hindi dahil sa wala siyang tiwala sa kapwa niya, mas gusto niyang magsolo para wala siyang sisihing kahit sino kapag may nangyaring hindi maganda,” unang reaksiyon ng aming impormante.

Sa usapin ng pakikipagrelasyon ay ganu’n din kaingat ang female personality, walang puwedeng magsabing pineperahan lang siya ng lalaki, marunong siyang kumilatis ayon sa kanyang mga kaibigan.

Sabi uli ng aming source, “Ang babaeng ‘yun pa? Siya pa ba ang maloloko ng lalaki? Magegetlakan mo ng datung ang demonyo, pero hindi ang babaeng ‘yun!

“Alam ng mga nakarelasyon niya ‘yun, lalo na ang ex-husband niya! Marunong siya sa buhay, mas magaling siya sa usapin ng pera, sa totoo lang!

“Hindi siya magiging ganyan kayaman kung bulagsak siya sa pera, sa totoo lang! Kahit nga ang mga accesories niya, e, siya ang gumagawa.

“Pati ang mga gamit niyang gowns, nagagawa niyang mukhang bago dahil sa kapapa-alter niya, di ba?” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.

Ganown!

KC lalong lumalayo ang loob kay Sharon

UMANI na naman ng bashing si Sharon Cuneta dahil sa pagpo-post ng pictures ng kanyang mga anak na sina Franckie at Miel. Sila raw ang kanyang mga loving, good-hearted girls na nagpapahalaga sa kanya at sa kanilang pamilya.

Kahit wala namang pinariringgan si Sharon sa kanyang post ay natural lang na isipin ng mga nakakakita na pinasasakitan niya ang kanyang panganay na si KC.

Alam daw naman ni Sharon na meron silang gap ngayon ni KC, pero parang insensitive siya, pinalalawak-pinalalalim lang daw niya ang problema nilang mag-ina.

Tahasang bina-bash ang Megastar, tantanan na raw niya si KC, lalo lang daw siyang gumagawa ng dahilan para lalong lumayo sa kanya ang loob ng kanyang panganay.

Kailan lang ay lumabas naman ang mag-amang Gabby at KC, nag-dinner sila sa isang Japanese restaurant, inilabas ‘yun ni KC sa kanyang IG.

‘Yun daw ang dahilan kung bakit pinuri-puri naman ni Sharon ang kanyang mga anak na sina Frankie at Miel, hindi ‘yun nagustuhan ng mga netizens, parang bata raw si Sharon na pumapatol sa mga walang saysay na bagay.

Napakaliit ng mundo, lalong napakaliit lang ng Pilipinas kung saan nandu’n ang mag-ina, bakit kaya hindi na lang sila magkita nang personal para matapos na ang kanilang mga parunggitan?

Parinigan man ‘yun o ano, makagagandang magkausap sila nang puso sa puso para magamot na ang kung anumang hidwaan nila, gumagawa ng milagro ang komunikasyon.

Mag-ina sila, imposibleng hindi sila magkaintindihan kapag nagkita at nagkausap na sila, anuman ang mangyari ay magkadugtong pa rin ang pusod ng mag-inang Sharon at KC.