tonite-no-thanks-cristy-fermin
 
 
KAHIT anong pagdedenay pa ang gawin ng isang pamosong singer-actress ay hindi maililihim ang matinding sama niya ng loob sa pinakahuling naganap sa isang programang halos itinuring na niyang sariling bahay.
Ayon sa malalapit sa singer-actress ay hindi niya sukat-akalain na isa pala siya sa mga magsasagasaan sa pagbabago ng atake ng show.
“Kampante siya. Wala siyang inkling na kapag nag-reformat ang show, e, makakasama siya sa mga maaalis. Walang-wala ‘yun sa isip niya.
“Ikaw ba naman, iisipin mo bang ganu’n ang mangyayari, e, siya na yata ang pinakamatagal na member ng show? Nag-alisan na ang iba, may nadagdag nang marami, pero nandu’n pa rin siya!
“Kaso, isa nga siya sa mga nawalang regulars. Hindi niya ‘yun inasahan, ang akala niya, e, napaka-stable na ng position niya sa show,” simulang kuwento ng aming source.
Ilampung taon na kasing pinaghahandaan ng singer-actress ang bawat sultada ng show. Walang makakaagaw sa kanya sa araw na ‘yun kahit magkanong talent fee pa ang ipangako sa kanya ng promoter.
“Priority niya ang show. Mahal na mahal niya, pinaghahandaan niya talaga ‘yun, hindi siya tumatanggap ng show na masasagasaan ang regular performance niya sa programa.
“Kaya talagang devastated siya nu’ng malaman niya na hindi na pala siya kasali sa show. Nagtatanong siya kung bakit, wala namang makapagbigay sa kanya ng explanation na puwede niyang paniwalaan.
“Ang sabi sa kanya, e, hindi raw naman talaga siya tinanggal. May ginagawa lang daw na rotation. Mas sumama ang loob niya, ano nga naman ang ibig sabihin nu’n?
“Isa siyang spare tire? Na kapag hindi makapagpe-perform ang isa, e, siya ang ipapalit muna? Naku, masamang-masama talaga ang loob niya! At may karapatan namang sumama ang loob niya, ‘no!” mataray na pagtatapos ng aming source.

Kathryn mas kuminang ang akting kina Sharon-Richard

PANAHON ngayon ni Kathryn Bernardo. Ang lahat ng pagpupursige niyang makilala, ang pagsasakripisyo niyang pumila sa mga audition nang walang padrinong kahit sino, lahat-lahat ‘yun ay hitik na hitik nang namumunga ngayon.
Hawak niya ngayon ang titulong box office actress. Sila ni Daniel Padilla ang nagmamay-ari ng marka bilang pinakamatagumpay na magkapareha sa pelikulang The How’s Of Us.
Wala na nga sigurong makawawasak pa sa daang milyong kinita ng kanilang pelikula sa kasaysayan. Pero ang lahat ng ‘yun ay hindi puwedeng maging dahilan para magbago si Kathryn.
Nakatanim pa rin sa lupa ang magkabila niyang paa, nagkakasya pa ang mga sombrero niya dahil hindi lumaki ang kanyang ulo, siya pa rin ang simpleng Kathryn na may mababaw na kaligayahan.
At sa pelikulang Three Words To Forever ay siya na naman ang pinupuri ng ating mga kababayang nauna na sa pagpila sa pelikula, kailangan daw naming panoorin ang pelikulang pinagsasamahan nila nina Richard Gomez at Sharon Cuneta, dahil napakagaling umarte ng batang aktres sa eksena ng komprontasyon nila.
‘Yun ang usap-usapan ngayon sa bangko, sa mga opisina, sa mga umpukan, sa palengke at sa kahit saan. Panalo raw ang acting nina Richard at Sharon, pero mas kuminang ang pagi­ging aktres ng love ni Daniel Padilla, iniyakan ng manonood ang nasabing eksena.
Sa mga kabataang artista ngayon ay si Kathryn Bernardo ang mayhawak ng titulo bilang tagakalaykay ng pera ng bayan sa takilya.
Dalawang magkasunod na ebidensiya na ang hawak niya, at puwede pang tumatlo, at puwede pang magtuluy-tuloy na hanggang may ginagawa siyang pelikula kasama man si Daniel Padilla o hindi.