Singer-actress pormang magnanakaw

NEGANG-nega ngayon ang imahe ng isang singer-actress. Palagi kasi siyang nagpo-post ng kung anu-anong pagkontra sa kahit anong isyung napapanahon.

Siya ang tinatawag na junior ngayon ng isang singer-actress din na tumodo na sa pagiging nega dahil sa mga isyung pampulitika.

Itong si junior nega ay palagi ring naba-blind item sa pagiging ilusyunada. Maraming kuwento tungkol sa sobrang taas ng tingin niya sa kanyang estado bilang singer.

Kuwento ng isang source, “Nagdyi-gym siya, regular ang pagpunta niya sa isang gym na puntahan din ng mga yayamaning health buff.

“Kapag dumarating siya, e, halos hindi mo na siya makikilala, para siyang magnanakaw dahil naka-hoody na siya, e, saradung-sarado pa ang suot niyang jacket kahit mainit ang panahon.

“Ang ikinatatakot kasi niya, e, baka raw siya pagkaguluhan du’n sa gym! Ayaw niyang ma-mob siya, kaya tagung-tago ang identity niya!

“E, pangyayamaning gym ‘yun, hindi naman ang tipo ng mga nandu’n ang magkakagulo sa kanya! Ni wala ngang pumapansin sa kanya du’n, hindi ba niya nararamdaman ‘yun?

“Pumorma bang parang magnanakaw na takip ang buong katawan? Nakakaloka ang babaeng ‘yun, ang dami niyang ilusyon sa buhay!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Madalas siyang ma-bash ngayon dahil sa mga hanash niya sa social media. Kahit ano na lang ay kinokontra niya. Kaya nga siya ang itinuturing na junior ng isang singer-actress na palagi ring bina-bash ngayon.

Pahabol pa ng aming source, “Nu’ng nagkaroon ng concert sa isang malaking venue ang mga artista ng network kung saan siya nagtatrabaho, e, ganu’n din ang naging drama niya.

“Nasa loob naman ang parking ng mga personalidad, pero ayaw pa niyang bumaba, baka raw kasi siya dumugin ng mga fans! Ayun, nakapasok siya sa dressing room na wala namang pumansin sa kanya!

“Naku, tantanan na niya ang mga kadramahan niya, ‘no! Makipaghawak-kamay na lang siya sa katotohanan!” pagtatapos ng aming source.

‘Yun, o!

Kris paninindigan ang pag-iwas sa ABS-CBN franchise

SANA nga, hanggang sa pinakahuli ay marendahan ni Kris Aquino ang kanyang emosyon tungkol sa isyung kinapapalooban ngayon ng ABS-CBN, umiwas na lang sana siya.

Sana, kahit anong pampo-provoke pa ang gawin sa kanya ng mga taong walang magawa sa buhay ay huwag siyang magpapadala, ang mga salita at komentong manggagaling mula sa kanya ang pinakahihintay ngayon ng mga bampirang gustong makakita ng dugo.

Kapag nagsalita kasi si Kris ng kontra o sang-ayon sa isyu ay siguradong sa kanya rin magbubumerang ang kanyang mga reaksiyon.

Sumang-ayon siya, ang sasabihin ng mga nakamasid ay gusto niyang makapag-renew ng prangkisa ang network dahil umaasa siyang makababalik uli sa istasyon, wala siyang panalo sa ganu’ng takbo ng opinyon.

Huwag siyang sumang-ayon na magkaroon ng bagong franchise ang network ay sa kanya pa rin ang balik nu’n. Sasabihin naman ng kanyang mga bashers na nagpapaka-bitter lang siya dahil pinagsaraduhan siya ng mga pintuan at bintana pati ng bubong ng network.

Sa ngayon ay pahapyaw-hapyaw lang ang kanyang mga komento, hanggang du’n na lang sana ang puwede niyang sabihin, dahil kumanan siya at kumaliwa ay sa kanya pa rin ang bagsak ng mga bira.

Pero harinawang magkaroon na ng espasyo ang mundo ng telebisyon para kay Kris sa papasok na taon. Hindi na biro ang halos apat na taon na niyang kawalan ng show, marami nang nasasabik sa atakeng siya lang ang meron, hindi kayang plakaduhin ng kahit sino.

Hindi natin alam ang magiging takbo ng kapalaran, walang nakakaalam kung ano ang hatid na sorpresa ng buhay, kaya hindi pa katapusan ng mundo para kay Kris Aquino.