Kahanga-hanga dahil napangalagaan ng sikat na singer-actress ang kanyang sweet image sa showbiz hanggang ngayon. Napangasawa niya ang isang komedyante.

Ayon sa tsika sa showbiz, kasama raw ang komedyante sa listahan ng mga nagtataglay ng kadakilaang kababaliwan at ikinasasaya ng mga kababaihan.

Lapitin ng mga seksing girlash si ko­medyante. Palaging may-I-patol naman siya sa mga tukso. Wala siyang takot nu’ng una dahil ang wife niyang singer-actress ay tahimik lang lagi ang mga ganap. Ideal wife talaga, na ‘di bungangera. Busy lang siya sa career at sa kabuhayan. Hayun, si Papa ay tuloy ang nakaw na ­ligaya, madalas, paulit-ulit.

Isang gabi ay nagulantang na ang ko­medyante at ang kanyang kabit na seksing girlash sa kanilang kuyangyangan. Sinugod kasi sila ng magandang singer-actress sa lungga ng kataksilan. May hawak itong baril, itinutok sa dalawang naglalaro ng apoy, sabay dayalog ng: “Mamili ka­yooo! Titigilan n’yo ang kalaswaang ginagawa n’yo, o buburahin ko kayo sa Earth?!”

Walang pumutok na baril. Pero iyon ang una’t huling pagkakataon na natakot si komedyante sa wife.
Hindi rin niya sukat-akalain na malakas ang radar ni Kumander. Nabuking ang kanyang mga milagro. Kung tumikim man ng tukso ay tikim lang at ingat na ingat na siya. May itinatago kasing tapang ang kahinhinan ni misis.