Singer-actress tumatakas sa mga inaanak

tonite-no-thanks-cristy-fermin

Ilang tulog at gising na lang ay Pasko na. Bigayan na ng mga regalo at aginaldo. Pero wala sa bokabularyo ng isang pamosong singer-actress ang pamamahagi ng regalo tuwing Kapaskuhan.

Ninang siya ng mga anak ng kanyang mga kaibigan, itinuturing siyang pangala­wang magulang, pero mula pala nang anakin niya sa binyag ang mga ito hanggang ngayon ay walang tinatanggap na anuman mula sa kanya ang mga inaanak niya.

Siya ang bumida isang gabi habang nagkukuwentuhan ang kanyang mga kumare. Nakakaloka ang mga kuwento. Nagtandaan na ang kanyang mga inaanak pero hindi pa rin siya napagmamanuhan ng mga ito nang personal.

Kuwento ng isang source, “Naku, may mga asawa’t anak na nga ang mga inaanak niya, pero hindi pa rin siya nakikita! Sanggol pa nu’ng huling makita niya ang mga bata.

“Nu’ng anakin pa niya sa binyag. E, pamilyado na ang mga inaanak niya ngayon, kaya ilang taon na siyang hindi nakikita? Naku, baka nga hindi na niya naaalala kung sinu-sino ang mga inanaak niya, e!” kuwento ng impormante.

Tuwing Pasko kasi ay sa ibang bansa naglalagi ang singer-actress, bumabalik siya kapag tapos na ang New Year, maraming nagsasabi na ‘yun ang ginagawa niya para makatakas sa kanyang mga inaanak.

Sabi uli ng aming source, “Kaya nga kapag lumalabas ang kuwento na inuubos kuno ng boyfriend niya ang datung ng girl, e, walang gustong maniwala!

“Aysus! Maloloko ng lalaki ang ibang babae, pero hindi siya, pro­mise! Nuknukan nang kakuriputan ang babaeng ‘yun! Nagmana siya sa pinagmanahan niya! Kuring din kasi ang mommy niya na dating artista!

“Ganu’n siya kainuyat! Ganu’n kasarado ang wallet at bulsa niya! Wagas na wagas!” tawa pa nang tawang kuwento ng aming source.

Sheryl kinain ang salita

Hindi na puwedeng bilangin ngayon sa mga daliri natin sa paa at kamay lang ang mga artistang nagdesisyon na ring pumasok sa mundo ng pulitika. Napakarami nila!

Maraming nagulat sa pagpa-file ng COC ni Sheryl Cruz, tatakbo siyang konsehal sa ikalawang distrito ng Maynila, kasama pa niya sa pagpa-file ang kanyang Ninong Joseph Estrada.

Nakagugulat ang desisyon ni Sheryl dahil hindi pa nakakalimutan ng ating mga kababayan ang napakadiin niyang pagtanggi nu’n nang tanungin siya kung papasukin din ba niya ang mundong pinasok ni Senador Grace Poe?

Hinding-hindi raw, sabi ni Sheryl, dahil magiging magulo lang daw ang kanyang buhay. ‘Yun ang panahon na kinontra niya ang pagkandidato sa panguluhan ni Senador Grace Poe.

Siya pa mismong pamangkin ni Ms. Susan Roces na kinikilalang ina ng senadora ang unang kumontra, siya pa ang nangmenos sa kapasidad nito, kaya maraming nagalit nu’n sa kanya.

Tapos ngayon ay heto na si Sheryl Cruz, aakyat na siya sa entablado de kampanya ng partido ni Mayor Erap, siguradong hihilingan siya ng audience na kantahin ang piyesang “Mr. Dreamboy.”

Kuwento sa amin ng isang source na hindi nanununog at nangunguryente, “Nu’n pa, madalas nang nagpupunta sa office ni Mayor Erap at Sheryl. Gusto kasi niyang tumakbong councilor. So, dahil ninong niya naman sa binyag si Mayor Erap, ikinuha siya ng bahay sa 2nd district para maging residence niya.

“Kinain niya ang salita niya nu’n na hindi siya papasok sa politics. Siguro, nararamdaman na rin niya na wala nang init ang career niya.

“Di ba, palaging sinasabi ng mga pulitiko na ginagawa raw fallback ng mga artista ang pagkandidato!” huling komento ng aming source.