Hindi na dapat pang hintayin na magkaroon ng malawakang krisis sa basura sa buong bansa bago kumilos ang ating gobyerno.

Mismong si ­Environment Secretary Roy Cimatu ang nagbabala sa nalalapit na krisis sa basura sa bansa.

Kaya naman hinihikayat ni Cimatu ang mabilisan at drastikong pagbabago ng mga mamamayan sa pagtrato ng mga ito sa basura sa bansa.

Pero ayon sa pag-aaral ay ang mga single-use plastic product ang isa sa pangunahing may kontribusyon sa pro­blema ng basura sa bansa.

Sa Quezon City ay nagpahayag na ipa­tutupad sa pagpasok ng taong 2020 ang pagbabawal sa paggamit ng single-use plastic bilang tugon sa problema sa basura.

Mas makabubuting sa buong bansa na ipatupad ang single-use plastic ban upang mapigilan ang napi­pintong krisis.

Sa ngayon ay may nakasalang na ­panukalang batas sa ­Kongreso para sa pagpapatupad ng single-use plastic ban pero inaasahan natin na maaantala ang pag-aapruba dito.

Hindi naman ­lingid sa kaalaman ng lahat na tutol ang mga dambuhalang korporasyon sa single­-use ­plastic ban dahil malaki ang epek­to sa kita ng mga negosyante.

Malaki ang posibilidad na may mag-lobby sa Kongreso upang huwag makalusot ang panukalang batas sa single-use plastic ban dahil marami sa mga negosyante ay may koneksiyon sa ilang mga politiko.

Kaya mas makabubuting ang bawat lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng ordinansa agad ipatupad sa buong bansa ang single-use plastic ban upang mapigilan ang krisis sa basura sa bansa.